DAPAT pa sigurong gumawa ng education campaign para maipaliwanag sa mga motorista ang bentahe ng programang Radio Frequency ID tagging. Sa kabila ng pagdududa ng ilang sector, gumamit ng political will ang LTO para maipatupad na ito simula pa nung Enero 4. Maganda naman kasi ang intensyon ng proyekto. Matagal na itong ipinapatupad sa mga maunlad na bansa. Sa pagpapatupad ng LTO sa RFID, alinsunod sa Department Order 2009-06 ng Department of Transportation and Communication, hindi na tayo kulelat sa ibang bansang gumagamit.
Sa RFID tagging matityiyak na ang mga sasakyan sa mga lansangan ay rehistrado sa LTO, pumasa sa smoke emission test, hindi sangkot sa anumang krimen o kaya’y may prangkisa mula sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para sa mga public utility vehicles (PUVs). Tingin ko’y madali ring matukoy ang mga nakaw na sasakyan sa pamamagitan ng sistemang ito.
Mabisa rin ang RFID laban sa mga colorum vehicles. Kaya naman todo-suporta dito ang mga samahan ng tsuper at PUV operators dahil napakalaking kita na ang ninanakaw sa kanila ng mga operator ng colorum vehicles. Isa pa, binigyan na rin ng Commission on Human Rights (CHR) ng green light ang RFID tagging, sa pagsasabi nitong wala itong lalabaging karapatang-pantao ninuman. Oo nga naman. Tingin ko nga’y protektado pa ang mga may-ari ng sasakyan at hindi nalalabag ang human rights nila.
Kasi nga naman ay epektibo lang ang RFID scan- ning sa radius na sampung metro at wala rin itong global positioning satellite capability kung kaya hindi pwedeng gamitin sa surveillance ng RFID tulad ng pangamba ng iba. Saka hindi mabigat sa lukbutan ang dagdag na bayad na P350 sa rehistrasyon kumpara sa pakinabang ng motorista rito. Kasi, one-time payment lang ito sa loob ng sampung taon. Lumalabas na P35 lang bawat taon. O di ba mura?
Maliit na halaga iyan para sa pagsasaayos ng mga sasakyan at trapiko sa bansa.