Sexual Harassment ni Dean.
MARAMI ang mga kaso ng sexual harassment na nararanasan ng mga kababaihan. Subalit mangilan-ngilan lamang sa mga biktima ang naglalakas-loob na magsalita at magsumbong sa kinauukulan.
Karaniwang nangyayari ang krimen ng sexual harassment sa relasyon ng may nakatataas na posisyon o seniority sa subordinate nito o taga-sunod.
Nangyayari ito sa trabaho sa pagitan ng amo at empleyado, sa bahay sa pagitan ng matandang kamag-anak at nakababatang miyembro ng pamilya at sa eskuwe-lahan sa pagitan ng guro at estudyante.
Sexual harassment nang maituturing kahit na walang sexual contact na nangyayari sa pagitan ng suspek at biktima. Maaaring panghihipo, pananantsing at pagsasalita ng malalaswa ng laban sa kagustuhan ng biktima naisasagawa ang sexual harassment.
Isang reklamo ang inilapit sa BITAG ng isang disi-siyete anyos na estudyante ng isang kilalang Maritime University sa Maynila.
Kasama ang kaniyang mga magulang, isinalaysay ni Aileen (hindi tunay na pangalan) ang kaniyang sumbong laban sa Dean at professor ng pinapasukang eskuwelahan.
Sa isang fast food chain sa Carriedo umano naganap ang pangyayaring hindi niya inaasahan at mga salitang di inaakalang matanggap ng isang menor de edad.
“Ang pakikipagtalik ay human nature. Lahat ng tao dumadaan sa pakikipagtalik”, sambit raw ni Dean kay Aileen na ikinagulat ng bata.
Sinundan pa raw ito ng “posibleng mang-yari din ito sa ating dalawa”. Dito, pilit na tumanggi umano si Aileen sa diretsahang alok ng kaniyang Dean at professor.
Sa huli, binulungan na lamang daw siya nito na “ang mga teenager na katulad mo ay nakapagpapabu-hay ng dugo ng mga tulad ko”.
Kung ang inyong anak na dalaga kaya ang masabihan ng ganito, bilang magulang siguradong maghuhuramentado ang pakiramdam mo.
Ang masahol dito, magdadalawang buwan na ang lumipas, wala pang nagagawa ang pinagsumbungan ring eskuwelahan. Bagkus, kinumpronta pa ng suspek ang biktima na masyadong sensitive sa kanilang pinag-usapan.
Antabayanan lamang ang mga hakbang na gagawin ng BITAG dahil matapos naming maipalabas ang interview sa biktima sa UNTV kahapon ng umaga, dumating ang representante ng eskuwelahan sa aming tanggapan kinatanghalian.
- Latest
- Trending