EDITORYAL - Special treatment sa Ampatuans
KUNG hindi pa naibulgar ng media ang ginagawang espesyal na pagtrato ng mga pulis ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa PNP camp sa Gen. Santos City sa mga Ampatuans, baka hanggang ngayon ay nakikinabang pa ang mga suspect sa Maguindanao massacre. Makaraang mabulgar ang special treatment, itinapon ang tatlong pulis CIDG sa iba’t ibang malalayong lugar. Ang tatlong pulis na umano’y nagbigay ng special treatment sa mga Ampatuan habang nakakulong sa Camp Fermin Lira ay sina Sr. Insp. Jose Teody Condesa, SPO4 Alex Pedroso at SPO3 Militante. Si Condesa ay itinapon sa Sultan Kudarat samantalang sina Pedroso at Militante ay sa Sarangani. Ang nag-isyu sa pagpapatapon sa tatlo ay si Sr. Insp. Pedro Austria, director ng CIDG-12.
Paano kaya kung hindi nadiskubre ang ginagawang special treatment ng tatlong pulis kina Zaldy Ampatuan, Sajid Ampatuan, Anwar Ampatuan at Akmad Ampatuan? Para lang nagbabakasyon ang mga suspect sa loob ng PNP camp dahil mayroong cell phone, nakapagpapa-cater pa ng pagkain at meron pang tagalinis ng kanilang selda. Sabi naman naman ng mga awtoridad doon, hindi naman daw binibigyan ng special treatment ang mga suspect sa Maguindanao massacre kung saan 57 katao ang pinatay. Kung walang ginagawang special treatment bakit itinapon ang mga pulis?
Malakas ang impluwensiya ng Ampatuans at iyan ay pinatutunayan ng paghawak nila sa mga pulis sa Maguindanao. Parang mga robot ang pulis sa Maguindanao na pinagtatakpan ang gawain ng mga Ampatuans. Hawak ng Ampatuans ang Ma-guindanao. Makatatanggi ba ang tatlong pulis CIDG sa maiimpluwensiyang angkan?
Maski si dating Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr. ay masasabing nakatatanggap ng special treatment. Bakit nga ba sa NBI siya nakakulong gayung dapat ay sa city jail siya naroroon. At ano ba ang malay ng taumbayan kung sa NBI ay nakagagalaw din siya nang maayos, may cell phone at may pagkaing sagana. Ang tanging nakaaalam ay NBI.
Lahat ng Ampatuans ay nakatatanggap ng espesyal na pagtrato kaya dapat lang bantayan.
- Latest
- Trending