'Doc, ano ang bawal kainin?'

MAY pasyente ako na nagsabing, “Dok, bakit lahat ng katakam-takam kainin ay masama raw sa katawan?” “Tama ka diyan,” wika ko, “ewan ko nga ba na kung alin pa ang masarap ay siya namang mataas sa kolesterol.

Ano ang mga dapat kainin at iwasan? Kumain ng mga pagkaing wala o mababa sa taba o kolesterol gaya ng gulay, isda, manok, at skim milk. Mabuti lahat iyan sa kata­wan. Kung mahilig kayo sa itlog, limitahan ang pagkain nito sa tatlong beses sa isang linggo.

Medyo hinay-hinay tayo sa pagkaing mataas sa taba at kolesterol gaya ng chicharon, balat ng lechon, cream, gata, pagkaing prito, at taba ng karne. Limitahan din sa isang beses kada linggo ang mga pagkaing gaya ng pato, keso, mani, mantikilya, karne norte, hamon, talaba, hipon, at alimasag.

Kung kayo ay may altapresyon, bawasan ang maaalat na pagkain tulad ng tocino, sausage, hamon, tuyo, tinapa, asin, toyo, bagoong, patis, vetsin, at mga pagkaing de-lata. Bawal ang asin sa mga may high blood.

Sa mga misis, may tips tayo sa tamang paraan ng pag­luluto ng mga pagkain. Mainam na magpakulo, mag­beyk/maghurno o mag-ihaw na lamang kaysa sa magpri­to. Itapon ang mantikang lumabas sa karne habang niluluto ito. Hiwain at tanggalin ang taba sa mga karne. Sundin ito at siguradong papayat kayo.

Heto ang listahan ng puwedeng ipalit sa mga pagkaing mataas sa kolesterol at asukal.

1. Ang full cream milk ay nakatataba, palitan ng skim milk.

2. Ang taba ng baboy at baka ay masama. Kumain na lang ng taba ng isda na mas-healthy.

3. Ang ensaymada ay maraming mantika at asukal, pan-de-sal na lang.

4. Kung hilig mo ay mag­pulutan tulad ng chicha- ron bulaklak, umorder ka na lang ng popcorn o bu­tong pakwan.

5. Imbis na uminom ng softdrinks o iced tea, mag­tubig na malamig na lang. Tiyak na papayat ka diyan.

6. Huwag umorder ng sinangag, plain rice na lang.

7. Konting pigil sa mayonnaise sa ensalada, matu­tunang gumamit ng suka.

8. Sa mga naglilihi sa ice cream at cake na may icing, puwede bang ice candy at gulaman ka na lang?

Alagaan natin ang ating katawan. Kumain ng tama.

Show comments