Editoryal - Ang P89-milyong gastos ng DPWH!
WALA pa ring pagbabago sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Kung ano ang pagkakilala sa departamentong ito noon, ganito pa rin ngayon. Batbat pa rin ng corruption. Kaya naman laging nasa listahan ng mga nangungunang corrupt na departamento at kahanay ng Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Department of Education at Philippine National Police. Wala na talagang pag-asa pang mabago ang imahe ng mga nabanggit. At siguro, magkakaroon lamang ng pagbabago rito kung ang susunod na magiging presidente ng Pilipinas ay may political will na durugin ang mga magnanakaw sa pamahalaan. Pero kung ang magiging presidente ay katulad din ni President Arroyo na walang ngipin laban sa mga magnanakaw sa pamahalaan, kawawang lalo ang bansa na pamamahayan pa ng mga walang kabusugang “buwaya”.
Hindi na nakabangon ang DPWH sa anomalya at may panibago na namang nasilip ang Commission on Audit (COA). Kinukuwestiyon ng COA kung saan napunta ang P89-milyon na nagastos ng DPWH noong 2008. Ipaliwanag daw ng DPWH sa lalong madaling panahon kung saan napunta o saan ginastos ang milyong piso. Hinihiling ng COA sa management ng DPWH na i-justify ang unnecessary at irregular disbursements ng pondo. Isaad din umano kung sino ang mga taong nag-authorized at nag-apruba ng payments.
Ayon sa COA masyadong malaki ang gastos ng DPWH kaya gusto nilang mahalungkat ang katotohanan dito. Isa umano sa kaduda-duda ay ang overpayment sa road right-of-way claims sa Region 8 kung saan ay nagkakahalaga ng P16 million. Sobra-sobra umano ang halagang nagastos sa right-of-way claims.
Malaki rin ang gastos sa isang road project sa Pagadian City na umabot ng P4-5 million. Kinukuwestiyon din ang P65 million na bayad sa mga hindi naideliber na construction materials sa Region 9. Pati ang gastos sa telephone calls at gasoline para sa private vehicles ay binubusisi ng COA.
Ang matindi pa, gumastos ang tanggapan ng DPWH Secretary para rental ng sasakyan ng halagang P108,500 gayung maraming service vehicles ang departamento.
Batbat ng corruption ang DPWH. Dapat nang kalusin sa lalong madaling panahon. Kung hindi makakalos, kawawa ang mamamayan. Sila-sila na lang ang nakikinabang.
- Latest
- Trending