INAAKO ni Press Sec. Cerge Remonde ang kasalanan kung bakit bagsak ang public rating ni Gloria Macapagal Arroyo. Kalalabas lang ng bagong survey na 61% ng mga Pilipino ay muhi sa kanya. Halos pareho ito ng huling survey tatlong buwan ang nakalipas, kung saan 62% ng mga Pilipino ang diskuntento sa palakad niya.
Natural ang pag-ako ni Remonde ng pagkakamali. Tungkulin ‘yon ng isang Cabinet member. Sa presidential system, merong fixed term ang Presidente, di tulad ng Prime Minister sa parliamentary na maaari ibagsak kelan man ng mayorya ng kasapi. Sa presidential, ang Cabinet members ay pinupulot ng Presidente kung saan-saan, pero sa parliamentary mga kapwa sila kasapi. At dahil fixed term ang Presidente, kelangan pangalagaan nang husto ang imahe nito. Kapag nagka-malaking aberya sa administrasyon, merong mapagbibintangan ang publi-ko imbis na ang Presidente. Ito ang Cabinet member o sinomang appointive official na pinaka-dispensable o puwedeng isakripisyo. Halimbawa bumagsak ang ani dahil sa bagong patakaran ng Presidente, ang “pupugutan” ay hindi siya kundi ang Secretary of Agriculture.
Mabait na sundalo si Remonde. Sa kanyang pag-ako ng sala, inililigtas niya ang amo mula sa batikos. Pero sa totoo lang, hindi mapapagtakpan ng anomang pag-ako ng miski buong Gabinete ang poot ng mamamayan kay Arroyo. Ni hindi nga rin ito mapagtakpan ng Kongreso na sinusuhulan ni Arroyo taun-taon para hindi siya i-impeach. Hindi siya mapagtakpan ng local officials o ng hudikatura. Bistado na siya.
Matalino ang mamamayan. Alam nila na si Arroyo ang pinaka-marumi mula nang ibagsak ang diktador na Marcos. Alam nila na lumala ang krimen sa ilalim ni Arroyo — lalo ang pagpatay, pagkidnap at pag-torture sa mga militante, mamamahayag, at mahistrado.
Alam nilang hindi halal na Presidente si Arroyo, dahil nandaya lang nu’ng 2004 sa tulong nina Garci at Ampatuan.
At alam nilang kapit-tuko lang siya sa poder.