Bagong Taon, bagong mukha? Mag-ingat!
SINASABING ang pagbabago raw ng taon ay pagbabago rin ng takbo ng buhay ng bawat isa sa atin.
Pagkakataong maitama ang mga kamalian at maipagpatuloy ang magandang gawain hindi lamang sa pansariling kapakanan kundi para sa nakararami na rin.
Subalit hindi maitatanggi, ang ilan sa ating mga kababayan, pagkakataon ang pagbabago ng taon upang magbago rin ng sariling imahe, porma at pisikal na itsura.
Ngayon ay nagbibigay babala ang BITAG sa mga nagsulputang facial at derma clinic na nagbibigay ng serbisyo sa pagpapaganda ng mukha at katawan.
Maging maingat sa inyong mga pinupuntahang klinika, maaaring nasa kilalang establisyamento nga ito at legal ang negosyo’t tanggapan.
Subalit lingid sa iyong kaalaman, pekeng dermatologist o plastic surgeon pala ang iyong kausap at siyang gagawa sa iyong katawan.
Nais gawing halimbawa ng BITAG ang dalawang babaeng lumapit sa aming tanggapan nitong taong 2009 kung saan ang isa, hindi nakuntento sa kaniyang kagandahan bagkus ay pinaganda pa lalo ang sarili.
Imbes na gumanda, nasira ang kaniyang mukha at ibang parte ng katawan. Dahil ang pisnging pinalakihan, baba at puwet na pinadagdagan lumalaylay at hindi nagpantay.
Ang inilagay pala sa kaniya ng mag-inang pseudo-derma subalit nagpapakilalang mga doktora, tire block o yung pampakintab ng gulong ng sasakyan.
Ang ikalawang biktima, isang modelo ng kilalang boy magazine. Kinakailangan niyang magpaganda ng dibdib, balakang at puwitan upang maging kaakit-akit sa kaniyang larangan.
Subalit wala pang isang taon niyang pinakinabangan ang kagandahang idinulot sa kaniya ng isang nagpakilalang plastic surgeon pero cosmetologist lamang pala.
Mas matagal siyang nagdusa at na-bed ridden pa dahil sa ipinagbabawal na kimikal na pampatambok na itinurok sa maseselang parte ng kaniyang katawan.
Patuloy na paalala ng BITAG, ugaliing alamin at icheck ang background ng inyong pinupuntahang espesyalista.
Nag-aalok nga ng murang presyo kapalit ng kanilang serbisyo subalit pagnagkabulilyaso mapapamura ka din sa galit, sagad hanggang buto.
Kung hangad mo pa rin na sa bagong taon ay bagong mukha at bagong pi sikal na itsura, aba’y mag-ingat, mag-ingat, mag-ingat!
- Latest
- Trending