ANG nakaraang 2009 ay hindi lamang nabat-bat nang malalagim na trahedya kundi napuspos din ng grabeng corruption at anomalya. Kaya naman marami ang nag-wish na sana itong 2010 ay mawala na kundi man mabawasan ang mga nangungurakot sa kaban ng bansa. Mas magkakaroon anila nang pagkakataong guminhawa at maging mabuti ang buhay ng mga Pinoy kung mawawasak ang corruption. Kung malilipol ang mga kurakot, magkakaroon na ng pag-asa ngayong 2010.
Maski ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay nagsabing ang 2010 ay magandang oportunidad sa bawat Pilipino para tuluyang mawasak na ang nangyayaring sistema sa bansa kung saan ang mga kurakot ang nangingibabaw. At mawawasak lamang anila ito sa pamamagitan ng election. Sa May 2010 ay maghahalal na ang mga Pilipino ng bagong pinuno at ito na raw ang pagkakataon para iboto ang inaakalang makatutulong sa mamamayan para labanan ang mga kurakot. Dapat na raw magkaroon ng political reform sa bansa. Dapat nang palitan ang mga pinunong ang pansarili lamang ang inaatupag. Hindi dapat sayangin ang pagkakataon na makaboto sapagkat sa paraang ito lamang maipakikita na ang mga Pilipino ay marunong nang pumili ng taong mamumuno. Hindi na katulad sa mga nakaraan na ang election ay nahaluan ng pandaraya.
Tama ang CBCP na magandang oportunidad ang 2010 para lubusang mapaalis ang mga nagsasamantala sa kabangyaman at iiwang walang laman. Dapat magkaroon ng political reform. Iboto ang inaakalang mahusay na leader na hindi magpapahirap o lilimas sa salapi ng taumbayan.
Magandang simula ang 2010 at sana’y magkaisa ang lahat para lubusan nang malipol ang mga corrupt. Umpisahan sa May 2010 elections. Ito ang tanging paraan para makamit ang inaasam na pag-unlad ng bansang ito.