Trahedya sa dagat
Maraming trahedyang sa bansa’y naganap
at ang karamiha’y nangyari sa dagat;
Halos araw-araw at buwang lumipas
barko’y lumulubog buhay nalalagas!
Nang taong nagdaa’y maraming namatay
sa mga sakunang sa baya’y dumatal;
Mayrong binabaril ng mga criminal
at may nasasawi sa hirap ng buhay!
Mga terorista’y walang patumangga
sa gawang pumatay, manunog, manira;
Ang mga tulisa’y palaging naghara –
magulang at anak ay pinaluluha!
Inang Kalikasan kapag nagagalit –
bagyo at landslide ang pinasasapit;
Kaya ang trahedya’y nagiging malupit
tahanan at buhay ang naililigpit!
Pero ang matindi sa mga trahedya
kung ang mga tao’y sakay na sa bangka;
Malalaking barkong sasakyan ng madla
sa sakuna’t alon biglang nawawala!
Nagkakataon pang sakuna’y darating
panahong bakasyon tao sa gawain;
Mga empleyado at mga students
hindi makasapit sa kanilang parents!
Kung bibilangin mo sa mga daliri –
libo’t halos milyon ang taong nasawi;
Sa gitna ng dagat doo’y nangyayari
ang mga trahedyang di tiyak ang sanhi!
Kaya itong bansa’y nagdurusa ngayon
sa dami ng taong tinangay ng alon;
Mga ama’t ina luha’y bumabalong
pagka’t pati bata dagat ang kabaong!
Para bang may gyerang sa bansa’y sumapit
sa baril at kanyon daming naliligpit;
May bagyo at wala sa tapat ng langit –
dagat ang sa tao’y siyang kumakarit!
- Latest
- Trending