NGAYON ang pagdiriwang ng Pagpapakita ng Panginoon matapos maipagdiwang natin ang Bagong Taon 2010. Sa wikang Ingles ito ang Epiphany of our Lord, sa Greek “diaphany o theophany”. Ang tala sa pagsilang kay Hesus ang nagliliwanag sa atin sa kaningningan ng Panginon. Sabi ni Isaias; “Bumangon ka, Jerusalem, at magliwanag tulad ng araw”. Ito din ang pagpapahayag sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Sa lumang liturhiya ito ang tinatawag na kapistahan ng pagdalaw ng mga Pantas o binansagan nating Tatlong Hari o Three Kings. “Nakita namin sa Silangan ang kan-yang tala at naparito kami upang sambahin siya”. Ito rin ang patotoo ng propeta na: “At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, ay hindi nga huli sa mga pangunahing bayan ng Juda. Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang pinuno na mamamahala sa aking bayang Israel”.
Ang pagdalaw ng mga Pantas at pag-aalay ng kanilang mga regalo ang nagbigay sa atin ng banal at mayamang kahulugan sa ating pananampalataya sa Diyos. Ginawa silang kasangkapan ni Haring Herodes upang maisagawa niya ang pagpatay sa Sanggol na si Hesus subalit hindi siya nagtagumpay. Iniligay sila ng anghel sa ibang daraanan pabalik sa kanilang bayan. Ang kanilang mga regalong ginto, kamanyang at mira ang nagpahayag kung sino ba ang sanggol na isinilang sa sabsaban. Ang ginto ang nagpahayag ng Maringal na pagka Diyos ng sanggol na si Hesus, ang kamanyang ang kanyang pagka-pari sa bagong tipan at ang mira ang pagka-propeta na magbubulid ng sariling aral.
Isang istorya ang nabasa ko na bukod daw sa tatlong pantas ay meron pang isa na ang dalang regalo ay diamante. Hindi niya matagpuan ang sabsaban. Sa kanyang pagtatanong sa isang tahanan ay pinakain pa siya. Nakita rin niya ang isang sanggol. Biglang nagdatingan ang mga kawal na inutusan ni Herodes upang patayin ang lahat ng mga sanggol. Bilang pasasalamat ng pantas sa maybahay ay sinabi niya sa mga kawal na walang bata roon. Para hindi magpumilit ay ibinigay niya ang kanyang dala-dalang diamante at sila’y lumisan. Ayon sa istorya, ang sang gol sa tahanang yaon ay si Simon ng Sireneo (Simon of Cyrene). Abangan sa Marso ang susunod na kabanata!
Is 60:1-6; Salmo 71; Efeso 3:2-3a, 5-6 at Mt 2:1-12