HINDI pa nakikita ang 20 pasahero ng M/V Catalyn B na lumubog sa karagatan ng Cavite matapos makabanggaan ang fishing vessel F/V Anatalia, heto na naman at hinigop ng dagat ang M/V Baleno 9 ng Vesta Shipping Lines ang may tinatayang 40 katao sa may Isla Verde, Batangas. Indikasyon ito na pulpol na ang Maritime Industry natin. Ayon sa aking mga nakausap na mga marino, kulang sa kaalaman si Administrator Ma. Elena Bautista ng Maritine Industry Authority (MARINA) para hawakan ang shipping industry. Mula nang manungkulan siya sa MARINA puro kamalasan ang sinapit ng ilang barkong naglalayag at hanggang imbestigasyon na lamang ang kanyang nagagawa. Sa panahon ngayon, kailangan ang kamay na bakal para maisaayos ang shipping industry at mga marino. Kung pawang pagpapaganda ng pigura ang gagawin, tiyak na marami pang kababayan ang malilibing nang buhay sa dagat.
Katulad na lamang sa lumubog na Princess of the Star ng Sulficio Lines sa Sibuyan Island, Romblon na hanggang ngayon ay hindi pa naiaahon. Kung inyong matatandaan mahigit 200 katao pa ang nawawala na pinaniniwalaang nasa loob pa ng Princess of the Star. Hindi pa rin ito natitinag ang barko sa pagkakataob sa dalampasigan ng Sibuyan Island, Romblon. Walang nagawang aksyon si Bautista na maiahon ang barko ng Sulficio dahil napasakan na umano ng atik ang kanyang bulsa. Iyan ang ginigiit ng mga kaanak ng mga biktima ng Princess of the Star na hanggang sa kasalukuyan ay naghihintay sila na makita ang paglutang ng barko. Kasi oras na lumutang ang barko. tiyak na makikita ang mga ebidensiya ng kapalpakan ng kompanya.
At heto na naman ang kapalpakan ng F/V Anatalia at M/V Catalyn B na nagkabanggaan sa karagatang sakop ng Cavite. Kitang-kita na kulang sa kaalaman ang mga kapitan matapos na pagsisigawan ng mga nakaligtas na pasahero na hindi nagbigayan sa linya ang dalawang barko. Admistrator Bautista, kailangan yatang magpa-Feng Shui ka, upang maalis ang kamalasan ng iyong ahensiya. Huwag puro imbestigasyon na lamang ang iyong atupagin. Dahil kung ngayon mo palang muling sisimulan ang imbestigasyon sa mga sakuna naganap sa karagatan para maging batayan sa paghihigpit sa mga shipping industry tiyak na mauubos ang mga pasaherong naglalayag sa karagatan ng Pinas. Get mo, Mam Bautista! Ayon kasi sa aking mga kausap sa Port of Batangas, super sa luwag ang inyong ahensiya sa bawat barkong Roll-on-Roll-Off (RORO) dahil wala naman silang nakikitang mga alipores ninyo na nag-iinspeksyon sa kalidad ng barko lalo ngayong Holiday Season. Kampante na kasi ang inyong tanggapan sa padulas ng shipping lines owner kayat bulag at pipi na ang inyong tanggapan. Sa panahon ngayon na halos 50 porsiyento ng mga barko sa bansa ay kakarag-karag, dapat na maging mahigpit sa paglalayag nito. Huwag puro sa Philippine Coast Guard (PCG) ibanabato ang sisi sa tuwing may sakuna sa karagatan. Ikaw ang dapat kumatawan sa bawat paglalayag ng barko upang makita nang personal ang diperensya na dapat itama. Get mo, chairwoman Bautista? Abangan!