HINDI pa man natatapos ang pagdiriwang ng Pasko dito sa US ay pinaghahandaan na kaagad ng mga Pinoy ang pagdating ng New Year. Excited ang mga Pinoy sa pagsalubong sa New Year at pinag-uusapan na nila ang mga ihahandang pagkain at kung mga sinu-sino ang kanilang mga iimbitahin.
Mukhang magiging masaya ang paghahanda sapagkat maghahanda ng beer, hardrinks, champagne at iba’t ibang klase ng wine. Mayroon ding lechon. Siyempre, ang mga paputok ay hindi nakawala sa kanilang usapan. Ang firecrackers ay popular na popular sa mga Kano. Sa ngayon ay makikita na ang pagtatayo ng temporary stores sa mga vacant lots na katulad din sa Pilipinas upang magbenta ng iba’t ibang klase ng paputok, malalakas o mga mahihina.
Marami sa kanila ang leave of absence ng ilang araw matapos ng Bagong Taon upang talagang mag-enjoy sa holiday na ito. Naka-schedule na rin ang pagtawag nila sa kanilang mga mahal sa buhay by overseas upang batiin sila ng Happy New Year.
Napansin ko na halos ganito rin ang mga Kano at ibang lahi. Pinaghahandaan din nila ang pagdating ng New Year. Naghahanda rin sila ng mga espesyal na pagkain sapagkat nangungumbida rin sila ng kanilang mga mahal sa buhay at mga malalapit na kaibigan. Nasabi ko nga na mukhang mas mahalaga pa nga sa mga ito ang paghahanda sa New Year’s eve kaysa Christmas eve.
Para sa akin, mas mahalaga kung ang paghahandaan ay ang kapanganakan ni Hesus. Dapat itong ipagdiwang nang mas kakaiba kaysa Bagong Taon. Tradisyon na nga lamang ang ginagawa ng lahat kapag dumadating ang bisperas ng Bagong Taon.
Masaganang Bagong Taon sa lahat.