Nakakasakit ng mga inosente
NGAYONG Niños Inocentes ipinagdiriwang hindi lang ang mga paslit na ipinakatay ni Herodes sa paghahadlang sa isinilang na Hari ng mga Hari. Magugunita rin ang marami nang batang namatay dahil sa walang-pakundangang pagpapaputok ng baril sa Bagong Taon. At kasama na rin ang mga napuputulan ng daliri at nasusunog ang mukha dahil sa mga delikadong paputok at fireworks.
Taon-taon nagpapasikat ang mga pulis at militar sa pagte-tape ng nguso ng mga baril bilang babala sa pagpapatutok bilang kasiyahan. Pero hindi pa rin bababa sa isang dosena ang nasusugatan at namamatay sa Bagong Taon dahil nabagsakan ng punglo habang nasa loob ng bahay o bakuran. Ito’y dahil hindi mga service sidearms ang pinapuputok ng mga lasing na unipormado, kundi mga personal na baril; kung minsan pa nga ay mga rifle. Kundiman, mga siga-sigang sibilyan ang nagpapaputok.
Magtulong-tulong tayo sugpuin ang mga salot na ‘yan. Kapag may narinig kayong putok ng baril sa gitna ng firecrackers — mas mahina pero mas matinis ang baril — i-report agad sa pulis. Tantiyahin kung ano’ng kalibre ang putok, saan banda, gaano kalimit at kalakas. Kung nakita ninyo mismo ang nagpaputok, alamin ang pangalan at tirahan — para madaling matugis. At kung may tinamaan ng bala, alamin ang direksiyon, at ang porma noon ng biktima (nakahiga, nakaupo, naglalakad). Itabi ang slug o shell kung matagpuan, pero panyo ang ipanghawak para hindi masira ang ebidensiyang fingerprints.
Tila imposible, pero kaya mag-eskuwala ng pulis kung saan nagmula ang bala. Sa tatlong kaso na natulungan ko— dalawang namatay na bata, isang nabalda — nahuli at nasentensiyahan ang mga salarin.
Iwasan ang mga paputok na walang trademark. Itabi ang mga resibo at kahon, para kung nakasakit ito ay mapapanagot ang gumawa o nagbenta.
Ipahuli sa pulis ang mga nanghahagis ng paputok sa mga bahay-ba-hay at sasakyan, bago sila makasakit o makapagsimula ng sunog.
- Latest
- Trending