Kumpanyang dapat putukan kahit hindi bagong taon!

KATATAPOS lamang ng Pasko kung saan hanggang sa ngayon ay nararamdaman pa rin ang diwa nito, isang nakakalungkot na mensahe ang natanggap ng BITAG.

Reklamo mula sa isang mamumuhunan o negosyante, nabiktima raw siya ng FRANCON INTERNATIONAL sa Ortigas Pasig, ilang araw lamang bago mag­pasko.

Sa kaniyang mensahe sa pamamagitan ng e-mail, nakapagbayad na raw siya ng halagang sampung libong piso nang mapanood niya ang segment ng BITAG sa pinoycable.tv.

Ito ‘yung segment tungkol sa panloloko ng FRANCON INTERNATIONAL sa sandamakmak na mga ne-gos­yanteng lumapit sa BITAG. 

Ibig sabihin, humataw pa ng kita ang hayupak na FRANCON INTERNATIONAL sa mga walang kamuwang-muwang na mamumuhunan, marahil panggastos para sa nagdaang okasyon.

Talaga namang maituturing na pambihira ang ka­ka­yahan sa panloloko at panggagantso ng kumpanyang ito dahil sa kabila ng babala ng BITAG, Philippine Franchise Association at Department of Trade and Industry, kumi­kilos pa ang kampon ng mga ito para manloko.

Ano na ang ipinangako ng tanggapan ni Mayor Bobby Eusebio na paiimbestigahan at ipasisilip ang tanggapan ng FRANCON sa Antel Bldg. Ortigas, Pasig City?

Halos isang buwan na ang nakalipas subalit tuluy-tuloy pa rin pala sa pambibiktima ang kumpanyang ito na bumibilog sa ulo ng mga negosyanteng gusto mag­ne­gosyo ng franchise ng mga produkto?

Ito ‘yung kumpanyang dapat na pinuputukan kahit hindi bagong taon kundi hanggang matuldukan ang kanilang panggagantso!

Ito ang susubaybayan ngayon ng BITAG dahil po­sibleng hanggang sa mga oras na ito at bago magta­pos ang taon, makakapam­biktima pa ang mga ito.

Abangan dahil bago mag­ tapos ang taon, may pu­pu­tukan, may mananagot!

Show comments