MALIGAYANG Pasko po sa inyong lahat. Sama-sama tayong magpasalamat sa ating Panginoong Hesus na muli na naman tayong nagdiwang sa Kanyang kaarawan noong nakaraang Biyernes. Muling nagdiwang ang buong sangka-kristiyanuhan sa daigdig. Kasama ng mga anghel sa kalangitan ay pagpupuri tayo sa Diyos. Happy Birthday Jesus.
Ginugunita natin ngayon ang Banal na Mag-anak, Holy Family o Sagrada Familia. Sina Hesus, Maria at Jose. Kadalasan sa ating pagkagulat ay bigla nating nasasabi sa paghingi ng tulong: SUSMARYOSEP PO! Ito ay isang panalangin sa banal na mag-anak na nagpapaala-ala sa atin na sila ang dapat nating tularan. “Gumagalang sa ma gulang ang sinumang may takot sa Diyos”. Ang ating ama ang nagbabayad sa nagawang kasalanan at ang pagpaparangal sa ating ina ay parang pag-iimpok ng kayamanan.
Ang patuloy na ugnayan ng isang pamilya ay ang wagas na kayamanan. Paala-ala sa atin ni Pablo na ang pamumuhay ng mag-anak na Kristiyano ay ang lubusang pag-ibig. “Pinatawad kayo ng Panginoon, kaya’t magpatawad din kayo.” At ang pagsusunuran ay kabanalan at yaman.
Ang Banal na Mag-anak ay sama-samang nagpun- ta sa templo ng Jerusalem upang makipagdiwang sa Araw ng Paskuwa. Labingdalawang taon na noon si Hesus. Sa kanyang edad ay malaya na ang isang bata kung ka-nino nais makisama sa pagdiriwang sapagka’t ang mga babae at lalaki ay magkahiwalay sa templo. Sa halip na mamili si Hesus ay doon Siya nagtungo sa kapulungan ng mga guro ng templo. Namangha ang marami sa dakilang pangaral Niya. Nang makita Siya at inaya nang umuwi ay ang tanging naisagot niya ay: “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na Ako’y dapat nasa bahay ng Aking Ama?”
Naunawaan ng mag-asawa ang kahulugan ng sinabi ni Hesus. Umuwi sila sa Nazaret at Siya ay naging masunuring Anak. Patuloy Siyang lumaki at umunlad sa Kanyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao. Ang tanging mensahe sa atin ay pagsunod sa mga pangaral ng isang magu lang na puno ng kabutihan, kabanalan at katarungan. Ang aking tanong: Kayo bang mag-anak ay sama-samang nagdarasal?
Sir 3:2-6,12-14; Salmo 128, Col 3:12-21 at Lk 2:41-52