Nawawalang Baby Jesus (kuwento ni Jean Gietzen)
NAPANSIN agad naming may mali sa packaging ng kabibiling belen bago mag-Pasko. Kumpleto ang figures: Maria, Jose, tatlong hari, tatlong pastol, anghel, donkey, baka, kordero — pero dalawa ang Baby Jesus. “Kawawa naman ang makakabili ng set na kulang,” ani Inay. “Balik kayo sa store at magpa-karatula na, ‘Kung hinahanap si Baby Jesus, tawagan 62197’.”
Tuwing may tawag buong linggo unahan kami sumagot. Pati si Itay nakikisigaw, “’Yan na ang nawawalan ng Baby Jesus.” Pero iba lahat ng tawag. Kalimutan na lang, ani Itay, kasi baka sa malayong lugar napadala ang kulang na belen. Pinagtabi na lang namin ang dalawang Baby Jesus.
Alas-5 ng bisperas ng Pasko, wala pa ring tawag. Pina-drive ni Inay kaming tatlo kay Itay sa store para silipin sa display window kung nabili na lahat ng belen. Nasilip naming ubos nga. Ani Kuya, tiyak may tatawag na mamayang gabi. Pag-uwi namin, wala sa bahay si Inay; wala rin ang ikalawang Baby Jesus. Maya-maya tumawag siya at sabi kay Itay, “Dali, punta ka dito sa No. 55 Tatalon Street.”
Nagpumilit kami lahat sumama. Dinatnan namin si Inay sa barong-barong ng babaeng may tatlo ring anak — mas bata sa amin, gulagulanit ang suot, at halatang gutom. “Paki ayos mo ‘yung gripong bakli,” ani Inay kay Itay, “at tungkabin ang baradong bintana.” Nagkuwento ang babae na iniwan siya ng asawa nu’ng umaga, at tinangay pa lahat ng kasangkapan. Wala na silang gamit, wala pang pera. “Pasko pa naman,” napapaiyak ang babae. “Naalala ko ‘yung karatula na madalas madaanan sa store: ‘Kung hinahanap si Baby Jesus, tumawag sa 62197.’ Hindi naman kami nawalan ng Baby Jesus, pero maraming wala sa amin ngayong Pasko.”
Sa pagka-desperado, tumawag pala siya sa amin. At dinala ni Inay ang sobrang Baby Jesus, na ngayo’y nasa sahig — ang kaisa-isang simbulo ng Pasko sa maliit na dampa. Mabilis kaming umuwi para magbalot ng mga regalo — mga luma at bagong laruan at damit, para sa mga bata. Hindi pala sobra ang Baby Jesus sa belen; sinadya ‘yon ni Baby Jesus.
- Latest
- Trending