MARAMING kagandahang maidudulot kung may sariling official time ang isang bansa. Sabay-sabay na gagawin ang mga mahahalagang selebrasyon. Kung sa Luzon ay eksaktong 12:00 ng madaling araw, ganito rin ang oras sa Visayas at Mindanao. Kung sa Luzon ay 7:00 ng umaga, ganito rin sa Visayas at Mindanao. Kaya kung magsasagawa ng flag ceremony ng 7:00 a.m. sabay-sabay itong gagawin. Kung magseselebra ng Bagong Taon o Christmas at iba pang mahalagang pagdiriwang ay sabay-sabay gagawin. Ang ganda di ba?
Kaya maipagkakapuri ang House Bill 6905 o ang Philippine Standard Time (PST) na ang pangunahing awtor ay si Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo. Naipasa na sa huling pagbasa ang House Bill 6905 noong Biyernes. Nakatakda itong itransmit sa Senado para sa consideration. Bukod kay Gunigundo, 19 pang mambabatas ang nagsulong ng ganito ring batas dahil napansin nilang walang opisyal na oras sa bansa. Umano’y ang Pilipinas lamang dito sa Asia ang walang opisyal na oras. Sa ibang bansa, katulad sa Saudi Arabia at UAE, naka-synchronized ang kanilang orasan at kapag dumayal sa telepono maaaring makuha ang kanilang official time, walang labis walang kulang.
Mahalaga ang may PST kaya naman malaking tulong ang nagawa ni Gunigundo at pati na rin ang iba pang mambabatas na nagsulong nito. Sa tagal ng panahon, ngayon lamang may mga mambabatas na nagkaroon ng panahon na pagtuunan ng pansin ang pagkakaroon ng opisyal na oras.
Ngayong may opisyal na oras na para sa buong bansa, sana rin naman ay mabago na ang ugali ng mga Pinoy na laging naaatrasado sa kanilang appointments o commitments. At karaniwang may mga ganitong ugaling pagli-late ay mga mambabatas mismo. Marami sa kanila na laging late kapag may session kaya naman maraming batas ang hindi agad maipasa. Alisin na sana ang ugaling atrasado kung dumating. Walang kuwenta ang pagkakaroon ng opisyal na oras kung late din naman sa takdang usapan o appointment. Magandang pasalubong sa 2010 ang HB 6905.