TAYO ang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko. Nagsisimula ng Disyembre 16 (Simbang Gabi), hanggang unang linggo ng Enero (Tatlong Hari). Sa katunayan nga, kapag nataon na sa gitna ng isang linggo malalagay ang bisperas ng Pasko, wala na ring opisina hanggang sa susunod na taon! Ganito ang nangyari kailan lang, kung saan nagreklamo rin ang ilang sektor ng negosyo, dahil sa tagal ng panahon na sarado ang mga banko. Para sa mga kayang gumastos pa rin sa mga panahong ito, masaya ang mahabang Pasko. Maraming namimili, maraming napupuntahan. Pero para sa isang tao na alam ng buong Pilipinas na mara ming pera panggastos itong Pasko, iba ang hinihiling.
* * *
Ayon kay Gary Olivar – hindi na nga pala si Lorelei Fajardo ang tagapagsalita ni President Arroyo– baka puwedeng magtigil-putukan din mula sa mga kritiko ng Presidente. Dahil panahon naman daw ng Pasko, gusto lang manahimik ng Presidente sa kanyang bayan na ilang buwan na lang ay siya na rin ang kakatawan sa kanila sa Kongreso! Tigil-putukan na raw muna. Kung nagkakaroon ng tigil-putukan sa pagitan ng mga rebelede at ng gobyerno tuwing sumasapit ang Pasko, bakit nga naman hindi rin gawin ng mga kritiko ng Presidente?
* * *
Siguro kung titigil na rin ang Presidente sa pagsi-silbi sa bayan, eh baka tumigil na rin ang putukan. Si Arroyo ang kauna-unahang presidente ng Pilipinas na tatakbo para sa mas mababang posisyon sa katapusan ng kanyang termino. Ang alam nang marami, pinoposisyon na niya ang sarili, na kapag nagtagumpay na ang pagpapalit sa uri ng gobyerno, siya ang magiging punong ministro ng bansa dahil sa boto nang maraming kasangga sa Kongreso. Marami ang ayaw tanggapin ang ganitong sitwasyon. Pero ayaw pakinggan ng Presidente, at sariling pananatili sa ka pangyarihan lang ang mahalaga. Marami ang may hiling ngayong Pasko, hindi lang ang Presidente. Kaya sino ang dapat pagbigyan, ang nakararami, o ang nag-iisa? Natural na ang dapat dinggin ay ang hiling ng nakararami. Pasko rin lang, mauna dapat ang Presidente sa hiling nang marami, at hindi ang sarili. Nakuha na naman niya ang lahat ng puwede nang makuha ng isang nagsisilbi sa gobyerno. Sobra-sobra pa nga.