Si Juana Tejada, tunay na bayaning OFW
KAMI ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay nagpupugay kay yumaong Juana Tejada, isang tunay na bayaning OFW.
Si Juana, caregiver sa Canada na pumanaw noong nagdaang Marso 8 (kasabay ng Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan) ang naging inspirasyon sa pagpapatibay kamakailan ng batas sa naturang bansa na tinaguriang Juana Tejada Law sa ilalim ng Ontario Parliament Bill 210 na nagtatakda ng mataas na pagkilala at pagpapahalaga ng Canadian government sa serbisyo ng mga caregiver doon.
Noong 2008, ikatlong taon ni Juana sa trabaho sa Canada, ay natuklasan ng mga doktor na mayroon siyang sakit na colon cancer at dahil dito ay ipinag-utos ng Canadian government na ipa-deport siya. Pero ang deportation order ay nilabanan ni Juana, at sinuportahan naman siya ng mga kapwa OFWs laluna ng mga katulad niyang caregiver sa naturang bansa, gayundin ng mismong mga Canadian citizen na lubos na nagpapasalamat sa mga caregiver na nag-aasikaso sa mga sanggol, bata, senior citizen at mga may kapansanan sa Canada.
Si Juana ay pumanaw sa edad na 40 dahil sa kanyang sakit pero dahil dito ay lalong lumakas ang sentimyento para sa mga caregiver at isinulong at pinagtibay ng Ontario Parliament ang Juana Law na nag-institutionalize at nag-atas ng pagpa pahalaga ng batas sa mga caregiver, partikular sa kanilang karapatan sa permanent resident status, pag-aaral, sapat na suweldo, overtime, mga benepisyo gayundin ng pagtatakda ng mabigat na parusa sa sinumang employer na magmamaltrato sa kanila.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), mayroong 400,000 Pilipino sa Canada kung saan 264,000 ay mga caregiver, at lahat sila ay makikinabang sa Juana Tejada Law.
Kasabay ng pag-alala kay Juana ay nakikiisa kami sa pasasalamat sa kanya dahil sa pagsisilbi niyang daan upang bigyan ng lubos na pagpapahalaga ng Canadian government at mga employer doon ang mga care giver laluna ang mga Pilipino.
- Latest
- Trending