10 mamamatay na sakit sa RP
NAGBABALA na rin lang (kahapon) si cardiologist Anthony Leachon tungkol sa mga sakit tuwing Pasko, pag-usapan pa natin ang kalusugan. Heto ang 10 pangunahing ikinamamatay ng Pilipino, ayon sa Dept. of Health noon pang 2007:
1. Heart attack at sakit sa puso. Sama-sama na rito ang abnormal na pagtibok at pagbukas-sara ng heart valve, high blood pressure, namamana man o dahil sa impeksiyon o masamang pamumuhay.
2. Stroke at sakit sa ugat. Kaakibat ito ng una. Sama-sama na ang baradong ugat, atherosclerosis, Buerger’s Disease, embolism, thrombosis na nakukuha sa maaalat at malalangis na pagkain.
3. Cancer sa baga, suso, cervix, atay, colon, rectum, prostate, tiyan at dugo. Pangunahin ang sa baga dahil sa sigarilyo at maduming hangin. Kokonti ang nakakalusot dahil kadalasan malala na kung matuklasan.
4. Aksidente. Sa bahay o kalsada, trabaho o kasiyahan, sakuna o hindi, nakakamatay ito dahil sa kapabayaan at kawalan ng paghahanda.
5. Pulmonya. Miski marami nang antibiotics, laganap pa rin ito. Kadalasa’y komplikasyon ito ng ibang pabalik-balik na sakit.
6. Tuberculosis. Masakit na biro na hindi ka raw Pilipino kung wala kang TB; ikinamamatay ng 75 sa atin araw-araw, pinaka-malala sa mundo.
7. Abnormalidad, sintomas at lab results na hindi napaliwanag. Bahagi na nito ang mga pamahiin at maling diagnosis ng mga doktor.
8. Sakit sa baga. Halos lahat ito ay sanhi ng paninigarilyo: Emphysema, chronic bronchitis, at chronic obstructive pulmonary disease.
9. Diabetes. Hindi lang sa sobrang pagkain ng matatamis, kundi pati carbohydrates (kanin, tinapay, pasta, pansit, patatas) at walang workout. Nadadamay pati ngipin, mata, at iba pang organs.
10. Komplikasyon sa pagbubuntis. Di bababa sa 22 sanggol sa bawat 1,000 isinilang ang namamatay sa prematurity, paninilaw (jaundice), sepsis, pagkasakal sa umbilical cord, diarrhea at abnormal na organs.
- Latest
- Trending