PALAGAY ko it’s high time na magbigay ng paglilinaw si Parañaque Rep. Ed Zialcita sa mga alegasyong ipinupukol laban sa kanya lalu pa’t kumakandidato siya sa pagka-mayor ng lungsod. Ang tinutukoy ko ay ang “Legacy scam” na dito’y nakaladkad ang pangalan ng mambabatas. Nabanggit ko ito dahil sa mga umaabot sa ating panawagan ng mga concerned citizen ng Parañaque na humihingi ng paglilinaw sa kaso.
Kamakailan ay sinampahan ng kasong estafa ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang kontrobersyal na Legacy Group of Companies sa pangunguna ni Celso delos Angeles. Isa lamang ito sa marami pang ibang kaso laban kay Angeles dahil sa isang scam na bumiktima sa maraming plan holders at depositors ng kanilang kompanya.
Ang isyu laban kay Zialcita ay: Tumatanggap daw siya ng P150,000.00 “retainer fee sa kompanya ni Angeles. Hindi tayo humuhusga kay Zialcita pero naniniwala ako na dapat siyang magbigay ng paglilinaw sa usapin para linisin ang kanyang ngalan.
Tumanggi lang sa paratang si Zialcita bagamat may mga katibayan dito na dapat niyang ipaliwanag para patunayan ang kawalan niya ng pananagutan. Sabi naman ng barbero kong si Mang Gustin, ipinagtataka niya na bagamat may nagharap ng mosyon sa House ethics committee para siyasatin ang kaso, parang bulang naglaho na lang ito.
Matatapos na ang taon ngunit tila ini-ignore na lang ni Zialcita ang isyu .
Payong kaibigan lang ang sa atin dahil ibig din nating maging transparent sa usapin si Zialcita para lubos siyang ma kilatis ng mga voters ng Parañaque.