EDITORIAL - Hindi na nakapagtimpi ang mga mamamahayag
AYON sa isang lumutang na witness sa Maguin danao massacre, nagmamakaawa na raw ang dalawang mamamahayag (isang lalaki at isang babae) kay dating Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr. na huwag silang patayin. Lumuhod pa umano sa harapan ni Andal Jr. ang dalawang mamamahayag pero walang narinig o nakita ang dating mayor at walang awang pinagbabaril ng baby armalite ang dalawa. At kahit nakabulagta na ay pinagbababaril pa para siguruhing wala nang buhay ang dalawa. Tatlumpung mamamahayag ang kabilang sa 57 tao na minasaker sa Maguindanao noong Nobyembre 23. Kasama sa konboy ang mga mamamahayag nang harangin ng mga armadong civilian volunteers sa pangunguna umano ni Andal Jr. Pinababa sa sasakyang ang mga hinarang at saka dinala sa liblib na lugar at doon pinagbabaril. Ang iba ay inilibing sa nakahanda nang hukay. Karumal-dumal ang krimen na kahit ang mga pinuno ng ibang bansa ay nagpahayag ng pagkondena sa nangyari. Humihiling na lutasin agad ang kaso at nang makamit ang hustisya.
Sumuko naman pagkaraan ng tatlong araw si Andal Jr. Dinala siya sa National Bureau of Investigation (NBI) at sinampahan ng murder. Ikinulong siya sa NBI detention cell. Noong Biyernes, nagka roon ng preliminary investigation sa kaso. Nagkaroon ng kaguluhan pagkatapos ng preliminary investigation. Sinugod ng mga galit na mamamahayag si Andal Jr. at ipinakita rito ang mga kuhang retrato ng mga minasaker. “Pagmasdan mo ang mga pinatay mo!” sabi ng mga galit na mamamahayag. Habang naglalakad, isang cameraman ang galit na inihampas sa noo ni Andal Jr. ang kanyang camera at napangiwi ang dating mayor. Isa rin umano ang sumipa sa kanya habang naglalakad. Nakaamba ang suntok sa kanyang mukha. Hindi napigilan ng mga escort ang pagdaluhong ng mga mamamahayag kay Andal.
Hindi na nakapagtimpi ang mga mamamahayag sa nadamang galit sa dating mayor. Hindi sila masisisi sapagkat 30 kasamahan nila ang walang awang pinatay. Matatahimik lamang ang kanilang kalooban kung mabilis na uusad ang kaso at mapaparusahan nang mabigat ang mamamatay-tao. Hindi sana pagtagalin pa ang pagkakamit ng hustisya.
- Latest
- Trending