MANILA, Philippines - PASKO na naman, at sa panahong ito, tiyak na marami na namang mga OFW ang uuwi upang magbakasyon. Maligayang Pasko sa lahat ng mga OFW na umuwi, sana maging masaya ang inyong pag-uwi, at sana marami rin ang sumaya sa inyong mga dala-dalang pasalubong.
Ano naman kaya ang pasalubong ng bayan para sa inyo? Maliban sa mga garland at rondalla na inihandog sa inyo? Ano pa kaya ang naging pakinabang ninyo sa inyong pag-uwi?
Mabango man ang halimuyak ng mga garland at masarap man sa pandinig ang musika ng rondalla, hindi mapagkaila na mahal pa rin ang remittance fees, at napakasakit pa rin ang placement fees, dalawa lamang sa mga problema ng OFW.
Ilang beses na sinasabi ng gobyerno na mga bayani ang mga OFW dahil iniligtas nila ang ekonomiya ng Pilipinas. Totoo naman yan, ngunit totoo ba ang pagkalinga ng gobyerno sa kanila?
Maaring sabihin na mababaan man ng gobyerno ang remittance fees at maalis man ang placement fees, hindi pa rin sapat na tulong yan, dahil ang mas mabigat na problema ay ang pagtanggol sa mga karapatan ng mga OFW habang sila ay nasa labas ng bayan.
Maligaya man ang Pasko para sa mga umuwi na OFW, tiyak na malungkot ang Pasko para sa mga OFW na nakakulong pa rin sa abroad. Hanggang sa ngayon, Pasko man o hindi, wala pa ring matinong sistema ang gobyerno upang mabigyan ng totoong legal services ang mga OFW na nagkaroon ng kaso sa abroad.
Nawasak ni Ondoy ang kabuhayan ng mga Pilipino at lumaganap ang mala-demonyong pamamalakad ng mga Ampatuan sa Maguindanao dahil sa kapabayaan ng gobyerno, dahil sa nalagay sa limot ang nararapat gawin. Papayagan ba natin ang gobyerno na ilagay sa limot ang kapakanan ng mga OFW sa abroad? Hindi ba dapat magkaroon na ng permanent solutions sa mga problema nila?