KASO ito ni Willy na may-ari ng isang sinehan at ng dati niyang empleyado, si Berto. Nagsimulang magtrabaho si Berto sa sinehan ni Willy mula Enero 1993 bilang electrician/air-con operator hanggang basta na lang siya mawalan ng trabaho noong Mayo 1994. Sa umpisa ay tumatanggap siya ng suweldong P97 kada araw at hindi man lang ito tinaasan ng sinehan kahit pa nagtaas na ang pinaiiral na minimum wage. Gayunpaman, nakapagtrabaho si Berto sa sinehan sa loob ng 11 taon at wala siyang naging anumang pangit na rekord sa kompanya.
Isang araw pagkaraan ng nangyaring pagtanggal sa kanya ng walang dahilan, nagsampa ng kaso sa Labor Arbiter si Berto para sa illegal dismissal, pagbabayad ng tamang suweldo (wage differential) ovetime pay, holiday pay, rest day pay at service incentive leave.
Noong Agosto 15, 1997, nagdesisyon ang labor arbiter pabor kay Berto. Illegal dismissal nga daw ang nangyari dahil walang maipakitang ebidensiya si Willy na may sapat na dahilan siya o “just cause” upang tanggalin sa trabaho si Berto. Pinababalik siya sa trabaho at pinababayaran ng backwages at lahat ng hinihingi niya pati gastos sa abogado. Umaabot ito lahat sa P164,501.25.
Kinuwestiyon ni Willy ang naging desisyon ng labor arbiter. Hindi naman daw siya ang dapat magsumite ng ebiden-siya upang patunayan na tinanggal niya sa trabaho si Berto dahil sa kung anong ginawa nito. Si Berto daw ang basta na lang hindi pumasok at umabandona sa kanyang trabaho nang hindi pagbigyan ang hinihingi niyang dagdag na sahod o umento. Tama ba si Willy?
MALI. Ang sigurado sa kasong ito, huminto sa pagtatrabaho si Berto noong Mayo 1994. Itinanggi ni Willy na tinanggal niya sa trabaho si Berto. Ang lalaki daw ang kusang umalis at ayaw nang bumalik pa sa trabaho. Sa mga ganitong kaso na sinasabing inabandona ng empleyado ang kanyang trabaho, dapat patunayan ng kanyang amo na 1) hindi na siya pumasok sa trabaho o walang dahilan ang pagliban niya sa trabaho, 2) may malinaw na kilos na ginawa ang empleyado bilang patunay na pinuputol na niya ang relasyon nila bilang amo at tauhan. Ang intensiyon ni Berto na umalis sa trabaho sa pamamagitan ng anumang kanyang ginawa ang dapat patunayan ni Willy at ito ang hindi niya naipakita sa korte.
Ang pagsasampa ng kaso ni Berto isang araw matapos mawalan siya ng trabaho at ang paghingi niya sa labor arbiter na ibalik siya sa sinehan ay taliwas sa paratang ni Willy na inabandona niya ang kanyang trabaho. Ang agad na pagprotesta ng empleyado sa nangyari sa kanya ay indikasyon na hindi niya inabandona ang kanyang trabaho. Katibayan ito ng pagnanais ng empleyado na makabalik sa kanyang trabaho.
Isa pa, imposibleng basta na lang talikuran ni Berto ang kanyang trabaho matapos ang mahabang taon ng pagsisilbi niya sa sinehan ng walang kahit anong pangit na rekord. Lahat ng empleyadong tulad ni Berto ay umaasa na pagkatapos ng mahabang panahon ng paninilbihan nila ay makakaasa silang makatatanggap ng benepisyo mula sa kompanyang pinapasu-kan. Hindi nila ito basta itatapon o babalewalain. Hindi ito makatuwiran at impraktikal, mahirap ang buhay ngayon lalo sa simpleng manggagawang tulad ni Berto na alam na maraming walang trabaho ngayon at nagtitiyaga kahit hindi tama ang pasuweldo basta’t may trabaho lang. Malinaw na walang base-han si Willy sa teorya niya na inabandona ni Berto ang trabaho.
Tama ang desisyon ng labor arbiter maliban sa pagbabayad ng service incentive leave. Kung hindi naman na maaaring ibalik si Berto sa trabaho, dapat na magbayad na lang si Willy ng separation pay na katumbas ng isang buwan na suweldo kada taon ng pagtatrabaho. Ang lampas anim na buwang pagtatrabaho ay katumbas na rin ng isang buwan na separation pay (Major Cinema, Wilson Pascual et. Al. vs. Aguilar, G.R. 170525, October 2, 2009)