GANYAN ba kahahaba ang mga galamay ng mga Ampatuan? Ganun ba sila kamakapangyarihan para tumanggi ang isang huwes na itinalaga ng korte para dinggin ang kaso laban kay Andal Ampatuan Jr. at iba pa na sangkot sa Maguindanao massacre? Tumanggi si Judge Luisito Cortez ng QCRTC Branch 84 na dinggin ang kaso laban sa mga Ampatuan dahil natatakot para sa kanyang buhay, pati na ang buhay ng kanyang pamilya. Sige, nandun na ako. Makapangyarihan ang mga akusado. Kaya nga nili-pat sa Manila ang pagdinig ng kaso kasi malabo talaga kung sa Maguindanao, o saan pa sa Mindanao gagawin! Pero ang tanong ngayon, ano na pala ang mangyayari?
Ganun lang pala. Maging kilabot sa sarili mong lugar, at darating ang panahon na walang hindi matatakot sa iyo sa buong Pilipinas! Pati mga huwes na dapat ginagampanan ang kanilang tungkulin. Sa kaso ni Judge Cortez, hindi pa nga nagsisimula yung kaso, naka tiklop na ang buntot sa pagitan ng mga binti niya! Ano na ang mensahe nito sa mga tetestigo laban sa mga Ampatuan? Kung ang huwes natatakot, paano pa sila? Ang huwes makakahingi ng security para sa kanyang sarili at para sa kanyang pamilya, e ang ordinaryong mamamayan? Katwiran ni Cortez ay nakatanggap na siya ng mga banta noong siya ang natalaga sa kaso sa pagpatay kay Rep. Luis Bersamin at ang kanyang bodyguard.
Hindi maganda ang pinakita ni Judge Cortez sa mamamayang Pilipino. Pinakita niya na takot ang sistema ng hustisya sa mga makapangyarihang kriminal. Matagal ko nang sinasabi na kung ika’y ordinaryong tao lamang, hindi pantay ang trato sa iyo ng hustisya. Ang pagtanggi ni Judge Cortez sa pagdinig sa kaso ng mga Ampatuan ay patunay nito. Kung ordinaryong tao lang si Ampatuan, walang problema. Tungkulin niya ang dinggin ang kasong itinalaga sa kanya. Kung may kaugnayan siya sa kaso, sige, pwede siyang tumanggi at maiintindihan ng tao iyan. Pero kung sinasabi niya na takot siya sa mga Ampatuan, binigyan lang niya ng armas ang mga ito para gamitin sa lahat ng judge na hahawak sa kaso nila. Hindi lang siya dapat tumanggi kundi bumitiw na rin sa pagiging huwes ng ban-sa, dahil nakompromiso na ang kanyang katatagan.