Masaker sa Cavite: Kilos, Sr. Supt. Alfred Corpus!

TAGUMPAY si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Roberto “Boysie” Rosales na maitalang “zero crime” ang Metro Manila sa unang araw ng Simbang Gabi. Dati-rati kasi mga suki, kaliwa’t kanan ang patayan at holdapan sa lahat ng sulok ng Metro Manila, subalit nang kanyang ipakalat ang 10,000 pulis sa limang distrito, nakamit ng mama­mayan ang tahimik na kapaligiran. Congrats, Sir!

Hindi makalulusot ang mga kriminal sa paligid ng mga simbahan at iba pang lugar dahil may checkpoint. Dilat ang kapulisan sa buong magdamag, he-he-he! Wala munang bulakbulan sa duty dahil oras na makalusot ang mga kriminal, tiyak sa kangkungan sila pupulutin.

Hindi kasi basta-basta ang banta ng ilang Ampatuan loyalist na itatakas umano nila ang kanilang lider na nakakulong sa NBI detention cell. Inilatag ni Rosales ang highten alert sa Metro Manila para mahadlangan ang banta ng terorismo. Hindi puwedeng ipagwalambahala ang banta ng Ampatuan loyalist dahil hindi pa lubusang nababawi ng pamahalaan ang mga armas ng nasabing angkan sa Maguindanao. Lalo nga­yong inalis na ang martial law sa Maguindanao, dapat lang doblehin ang seguridad.

Kaya mga suki, tulungan natin si Rosales at ang kapulisan sa pagmamatyag sa kapaligiran para makaiwas sa lupit ng terorismo.

Kung ang Metro Manila ay tahimik, kabaliktaran naman ito sa Cavite. Natigmak ng dugo ang masayang birthday celebration nang pagbabarilin ng tatlong lalaking naka-bonnet ang celebrant na si Joel Sherbo sa harap ng kanyang buntis na asawa sa Block 12, Lot 29, Phase 1, Paliparan-3, Das­mariñas, Cavite noong Martes ng gabi.

Patay si Joel matapos tadtarin ng bala sa ulo. Ang masakit nadamay ang kanyang kapatid na si Jason, 23, at mga kaibi­gang sina Jason Manuto at Michael. Ayon sa kapatid ng bik­tima na ayaw magpakilala, masaya umanong nag-iinuman ang kanyang kapatid at bisita sa loob ng bahay nang biglang pumasok ang mga suspek na naka-bonnet at pinaputukan ang mga ito. Dead-on-the spot ang tatlo at isinugod naman sa St. Paul Hospital si Michael na may tama sa ulo. Nang papatakas na umano ang mga salarin, nakita ng mga ito ang asawa ni Joel at tinutukan ng baril ngunit nang makitang buntis, mabilis na umalis at tumakas. Walang pulis na nagpapatrulya sa lugar.

Calling Sr. Supt. Alfred Corpus, asan ang mga pulis mo? Mukhang hanggang imbestigasyon lamang ang inyong alam. Dapat kumilos kayo para mahadlangan ang paglipana ng loose firearms na ugat ng patayan diyan sa inyong lugar. Abangan!

Show comments