KAILANGAN ng ating katawan ang 8 hanggang 12 basong tubig sa maghapon. Nililinis ng tubig ang mga dumi natin sa katawan. Makaiiwas tayo sa bato sa bato (kidney stones) at impeksiyon sa kidney. Nakababawas din ng pangangasim ng sikmura ang tubig.
Sa mga kababaihan, wala pong tawad ito! Dahil kung hindi ay baka kumulubot ang iyong mukha. Panlaban sa wrinkles ang pag-inom ng sapat na tubig. Heto ang tamang pag-inom ng tubig:
1. Uminom ng 1 basong tubig pag gising sa umaga – Sa buong gabi, siguradong hindi tayo nakainom kaya medyo kulang na tayo sa tubig sa umaga. Madilaw din ang ating ihi. Dehydrated ang tawag dito.
2. Uminom ng pakonti-konti sa maghapon – Ang tamang pag-inom ng tubig ay ang 3 hanggang 4 na lagok bawat kalahating oras. Malilinis ng tubig ang asido ng iyong tiyan. Huwag uminom ng 2 baso ng biglaan at baka mahirapan ang iyong puso.
3. Kahit hindi nauuhaw, uminom ng tubig. Ang mga may edad ay hindi gaanong nakararamdam ng uhaw, kaya painumin sila ng tubig.
4. Kapag nanunuyo ang iyong mata, lalamunan o ilong, uminom din ng tubig.
5. Turuan natin ang mga bata na uminom ng tubig. Para paglaki nila, sanay na sila.
6. Dahil sobrang init sa Pilipinas, kailangan natin uminom ng maraming tubig. Kapag kulang ka sa tubig, mahihirapan ang iyong utak na mag-isip.
7. Tubig lang ang pinaka-healthy sa lahat. Bawasan ang pag-inom ng alak at kape. Lalo ka lang mauuhaw sa mga iyan dahil nakaka-dehydrate ang mga ito.
8. Kung ika’y may sakit, uminom nang mas maraming tubig. Makatutulong ito sa paglaban mo sa trangkaso, lagnat, ubo at sipon.
9. Sa mga buntis, kailangan mo ng tubig. Lalo na sa mga nag-breast feed, uminom ng 13 baso sa isang araw, para dumami ang iyong gatas. Isipin na dalawa ang pinapakain mo.
Mga paalala lang: Huwag lalampas sa 16 na baso sa isang araw. Sobra na iyan. Sa mga may altapresyon at sakit sa puso, magtanong muna sa iyong doktor bago uminom nang maraming tubig.
Huwag magreklamo kung ihi kayo nang ihi. Isipin lang na nailalabas mo ang mga dumi sa iyong katawan. Masama po ang pinipigilan ang ihi. Tubig lang ang sagot sa mga karamdaman mo.