Learning Experience
ANO nga ba ang gagawin ng nagkaisang mga Kamara ng Kongreso ngayong binawi na ng Palasyo ang Maguindanao martial law declaration? Hindi nagdiwang si Senador Noynoy Aquino sa ginawang about-face ng pamahalaan. Ang dami nga namang naperwisyo sa aniya’y hindi makatwirang desisyon. At ngayon, tingnan ang ginawa sa mga Senador at Kongresista: Naging inutil at walang pakinabang. Walang dahilan upang magsesyon, walang pagbobotohan.
Kung ang Presidente raw ay may kapangyarihang kinikilala ng Saligang Batas, nandiyan din ang mando ng Kongreso na suriin kung wasto nga ang paggamit ng kapangyarihan. Sa aksyon ng Presidente, parang pilit inagaw sa kamay ng mambabatas ang katungkulang gawad mismo ng tao na ibahagi sa Kongreso ang martial law power. Hindi biro ang ipagsama ang dalawang kapulungan sa isang sesyon. Sa SONA sa umpisa ng bawat legislative year o sa canvassing ng boto sa presidential election karaniwang makikita ang pinagsamang House at Senate. Maliban dito, isa ang martial law situation sa mabibilang na pagkakataon kung kailan magdudugtong ang dalawa.
Upang masiguro na hindi nasayang ang pagod ng mga mambabatas, at para na rin tumulong na mabigyang linaw ang Kongreso sa papel na dapat nitong gampanan kung muling mangyari ang isang martial law declaration, panukala ni Sen. Aquino na DAPAT magtatag ng isang independent Commission na mag-aaral at maghahain ng rekomendasyon sa pinaghalong karapatan at obligasyon ng Presidente at ng Kongreso.
Maganda ang suhestiyon ni Sen. Aquino – maaalalang halos nagrambulan ang opinyon ng mga eksperto nang ibinaba ni Gng. Arroyo ang Proclamation 1959. Maging ang mga batikang mambabatas ay naghiwalay ang opinyon lalo pa’t wala namang desisyon ang Mataas na Hukuman na maaring sandalan. Ulti mo si Fr. Bernas na tinuturing na pinakamahusay na awtoridad sa Constitutional issues ay nagbitiw ng pananaw tungkol sa rebelyon na hindi naibigan ng mga kontemporaryo nito.
Ang Independent Commission, kung matuloy man, ay hindi aagawan ng papel ang Hukuman sa pagpaliwanag ng kahulugan ng batas. Mananagot lang ito sa Kongreso upang matulungan ang huli na una wain ang obligasyong binigay ng Konstitusyon: Alalayan na parang magulang ang pagwagayway ng Presidente nang matalim na sandata ng martial law. Sa pananagutang ito, mapapakinabangan ng ating mga Senador at Kongresista ang lahat ng magagandang payo at opinyon ng mga dalubhasa.
- Latest
- Trending