Naka-ATM at credit card ka ba? Basahin mo 'to!

ARAW de peligro kung tawagin ang petsa ng a-kinse at a-treinta para sa mga empleyadong sumasahod. Peligro dahil kakaba-kaba ka pag ika’y nasa lansangan dahil dala-dala mo ang iyong pinaghirapan sa isang kinsenas, baka nakaantabay sa paligid ang mga magnanakaw, holdaper at isnatser.

Ang iba, kampante dahil naka-ATM naman sila kum­baga walang cash na makukuha subalit huwag paka­sisiguro baka sa makinang pinagwiwidrohan mo may nakatagong manloloko.

Kalahating taon na ang nakalilipas nang maipakita ng BITAG ang isang grupong tumatarget ng mga nagwi­widraw sa ATM. Walang pananakot o dahas nakukuha nila nang hindi sapilitan ang mga perang winidraw ng mga biktima.

Ang tawag sa kanila, Ruler Gang. Sa pangunguna ni Col. Nelson Yabut at mga pulis ng MPD Station 11 sa Binondo, tatlong miyembro ng Ruler Gang ang nahulog sa kanilang patibong.

Estilo ng grupo na takpan ng bakal na kasing haba ng ruler at kasing kulay ng bakal sa labasan ng pera ng ATM.

Ang sistema, oras na may magwidraw, hindi lalabas ang pera ng biktima kundi maiipit sa ikinabit na bakal.

Aakalain ng biktima na walang laman ang ATM kaya walang lumabas na pera.

At para sa miyembro ng mga manggagantso tuma­taginting na pera ang kanilang nakulimbat nang hindi pagmumukha nila ang nakapronta sa mga biktima.

Isang modus lamang ito kung paano nananakawan ang isang ordinaryong taon sa pamamagitan ng card na kumukuha ng kanilang panggastos.

Paalala na rin ng BITAG para sa mga gumagamit ng credit card, tiyaking kaharap kayo kapag sinu-swipe ang inyong mga card.

May mga kawatang big time na dinodoble ang pag-swipe sa inyong card kaya’t dodoble rin ang inyong babayaran.

Gayundin ang skimming device na kasinlaki lamang ng posporo. Oras na mai-swipe ang inyong credit card dito, sa ilang oras lang masisimot na ang credit limit ng inyong card ng hindi niyo ginagamit.

Skimming device ang tawag sa instrumentong ginagamit naman ng sindikato sa pagrereplika ng mga credit card.

Paulit-ulit na paalala ng BITAG, maging pala­du­da, maging alerto kap­ag nasa kalsada, mag-isip at mag-ingat.    

Show comments