Darating ang Pasko na lungkot at saya
ang dala sa puso ng mayama’t dukha;
Mga mayayama’y marami ang handa
mga mahihirap sa lamesa’y wala!
Ito ang larawan na dala ng Pasko
na ngayo’y darating sa maraming tao;
Lalo na sa ating mga Pilipino
binagyo’t binaha sa panig ng mundo!
Ang mga mayamang nalubog sa baha –
lumipat ng bahay sa mans’yong magara;
Ang mga mahirap hanggang ngayo’y dapa
hindi makaalis sa tahanang dampa!
Kaiba ang Paskong sa ati’y sasapit
mayama’y masaya ang dukha’y pilipit;
Babangon ang Pinoy anumang masapit
itong recovery tingnan mo’t mapait!
Taong mayayama’y nakabawi agad
nalubog na kotse ay naging Cadillac;
Itong mga dukha hatid-sundo anak –
sa mabahong tubig sila’y naglalakad!
Mga nagsasabing sila’y nakabangon
pero sa relief goods umaasa ngayon;
Kung naging mahirap mga buhay noon
lalo pang mahirap sa ating panahon!
Kaya ngayong Pasko’y lupaypay ang bayan
sapagka’t maraming pinababayaan;
Mga nasa baha nating kababayan –
kahit pulitiko’y hindi matakbuhan!
Mabuti na lamang at saka salamat –
sa Bahay- Kalinga sa dusa’y umampat;
Sa mga Kapuso’t Kapamilyang tapat
sila’y tumutulong sa mga nagsalat!
Saka may isa pang maganda ang layon
na ang tubig-baha sa Pasig tumalon;
Ito’y Kapit-Bisig nagsisikap ngayon
ang tao sa baha’y hindi na lulusong!