SA Agusan del Sur naman ngayon! Isang armadong grupong kriminal na aarestuhin na sana ng mga pulis ay tumakas at bumihag ng higit 100 tao, karamihan mga school children! Marami rin ang nakatakas, at pagkatapos ng ilang oras na negosasyon, pinakawalan ang lahat ng bata at ilang matatanda. Sa kasalukuyan, 57 tao pa rin ang hawak ng grupo. Sinadya ba iyang numerong iyan? Iyan din ang bilang ng mga pinatay sa Maguindanao!
Ayon sa mga ulat, ang grupo ni Ondo Perez ang nasa likod sa pagpatay ng ilang miyembro ng pamilya ni Jun Tubay, ang kaaway na angkan. Kung baga, away-angkan din ito, malamang may halong pulitika rin. Ang hiling ni Perez ay ibasura ang lahat ng kaso laban sa kanya, at arestuhin din si Tubay. Si Perez pala ay dating CAFGU. Iyan na ang pupuntiryahin ko. Magandang programa pa ba ang CAFGU at CVO? Nakita natin na nagiging pribadong army lamang ang mga ito ng isang pulitiko o mayaman at maimpluwensiyang pamilya. Hindi naman sila napakinabangan sa takdang tungkulin nila, na labanan ang mga rebelde at insurekto. At ang masama, nagagamit pa sa krimen, kung hindi man kusang nagiging mga kriminal na rin.
Mahirap talaga kapag binigyan mo ang isang tao ng armas at otoridad, na wala namang pormal na pagsasanay humawak nito. Tingnan mo na lang ang mga Ampatuan at kung sino pang mga angkan na naghahari sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Kung wala silang mga baril, makakapaghari kaya sila? Ang lubos na kapangyarihan ay nakakasira ng tamang pag-iisip. Samahan mo pa ng sandata para makaapi sa ordinaryong tao, tapos na ang demokrasya at kalayaan. Itong grupo ni Perez ay tumpak na halimbawa niyan. Ayaw mapasailalim sa batas, kaya nanggulo na lang dahil armado naman. Ang gusto ay sila ang masusunod, kahit may mas mataas na otoridad naman. Puro ganyan na lang ang patakbuhin sa rehiyon ng Mindanao? Umiiral na ba ang anarkiya? Nabulabog ba ang lahat ng may kapangyarihan dahil sa nangyayari sa mga Ampatuan, kaya tila nagwawala na lahat? Paano magkakaroon ng matagalang kapayapaan at tunay na progreso sa islang ito, kung baril at sandata lang ang alam na wika, kung walang respeto sa batas ng bansa?
Huwag na tayong magtaka kung bakit hindi pa rin talaga pwedeng ipamigay ang Mindanao sa kung sino man!