Patibong sa mga pasaway ng Puerto Princesa!
NAPAHANGA ang BITAG nang muli naming silipin ang Puerto Princesa City ngayong linggong ito.
Kung crime rate kasi ang pag-uusapan, mababa at halos walang karumal-dumal na krimeng naitala sa siyudad, base sa kanilang 117 record.
Bukod dito, kapansin-pansin ang pagkakaroon ng 13 surveillance cameras sa mga kalsada at intersection sa Puerto Princesa.
Ito’y upang mamonitor ang mga aksidente sa kalsada at ibang di pangkaraniwang nagaganap sa kalye.
Kapansin-pansin din ang kalinisan ng siyudad ng Puerto Princesa. Matindi ang disiplinang pinapairal sa lugar na ito ng ina ng siyudad, ang maybahay ni Mayor Edward Hagedorn na si Mrs. Helen Hagedorn.
Ang kanyang patakaran, mala-kamay na bakal. Kapag nahuling magtapon ng upos, sigarilyo at anumang kalat sa kapaligiran, mahuhuli ka at titiketan sa halagang dalawandaang piso.
Walang puwedeng manlamang dahil gaano man ka-liit ang iyong kalat, may nakakalat na task force ng Oplan Linis sa lahat ng sulok at lugar sa nasabing siyudad.
Mala-undercover ang kanilang estilo dahil hindi sila unipormado, nakikihalubilo at nakikihalo sila sa lahat ng tao sa lansangan.
May ilang personalidad at malalaking pulitikong na-BITAG na ng kanilang Oplan Linis. Sa katunayan sinusundan pa nila ito hanggang sa hotel upang pagmultahin ng dalawandaang piso dahil lamang sa pagtatapon ng upos ng sigarilyo sa kalsada.
Ayon pa kay Ginang Hagedorn, maging ang kanyang asawa na punong-bayan ng Puerto Princesa, nasampulan ng kanilang pamamalakad ng makaligtaan nitong magtapon ng piraso ng sigarilyo sa harapan ng kanilang bahay.
Kung dakilang pasaway ang isang turista, mapa-lokal man o dayuhan, hindi sasantuhin ng ordinansang ipinatutupad sa Puerto Princesa.
Abangan ang pag-haharap ng BITAG at ng mga namumuno sa Puerto Princesa, Palawan.
- Latest
- Trending