SA mga taong may altapresyon o diabetes, isa lang po ang aking hiling: Inumin ninyo ang maintenance na gamot sa altapresyon. Sa ganitong paraan, siguradong hahaba ang inyong buhay at hindi kayo ma-o-ospital.
May pasyente ako na kahit ang presyon niya ay 180 over 110, ayaw pa rin uminom ng Amlodipine. Dahil sa tigas ng kanyang ulo, pagkaraan ng dalawang taon ay bigla na lang siya na-stroke at dumugo ang kanyang utak. Sa ganitong pagkakataon ay 50-50 ang tsansa niyang mabuhay. Kapag nagtuloy pa ang pagdurugo sa utak, maooperahan siya.
Bukod sa pagkaparalisa, pagkalumpo at pagkabaog, napakalaki pa ang magiging gastusin sa ospital. Ang gastos ay aabot mula sa P300,000 hanggang P3 million sa pribadong ospital. Gamot, ICU, laboratory tests at posibleng operasyon ang madadagdag sa gastusin.
‘Ayaw kong uminom ng gamot!’
May mga pasyente talagang pasaway. Maraming dahilan bakit ayaw uminom ng gamot. Tulad ng (1) mahal ang gamot, (2) wala naman akong nararamdaman, (3) kaya ko iyang dalhin dahil malakas naman ako, at (4) baka mawala ang gana ko sa sex.
Tatapatin ko po kayo na MALI ang lahat ng inyong katwiran. Kung ayaw n’yong maospital at malubog sa utang, uminom ng gamot para sa altapresyon. Mas mura ang gamot na iinumin araw-araw kaysa sa ospital.
P6.50 lang ang solusyon
Kung uminom lang sana ng Amlodipine 5 mg o 10 mg tablet ang ating pasyente, ay hindi na siya aabot sa pagka-stroke. Napakabisa po ng Amlodipine tablet at ito ang number 1 na nirereseta ng mga doktor sa buong mundo.
Kaya kahit ang presyon mo ay 150/100, 180/110, o kahit 220/120, kaya pa rin iyan ng Amlodipine.
May murang Amlodipine 5 mg tablet sa Generics Pharmacy na P6.50 lang ang halaga. Sa Mercury Drugstore ay may mga branded na Amlodipine (tulad ng Amvasc) na nagkakahalaga ng P15.50 bawat tableta.
Kaya mag-isip-isip na po kung may altapresyon o diabetes. Aantayin pa ba natin ang stroke at atake sa puso bago tayo uminom ng gamot? Sayang po ang buhay natin. Habang maaga pa, kumunsulta sa inyong doktor at ita nong kung anong maintenance na gamot ang babagay sa inyo! Good luck.