^

PSN Opinyon

Tamang layunin, maling paraan

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

KASO ito ng EASA isang unyon ng mga empleyado, ang 17 nilang miyembro kabilang na ang presidente ng union, na empleyado ng ASA, ang amo nilang kompanya ng mga eroplano na nagbibiyahe ng mga turista sa dalawang eksklusibong resort sa Palawan.

Mayroong Collective Bargaining Agreement (CBA) ang EASA at ASA na ipinatupad magmula Enero 1, 1997 hanggang Disyembre 31, 1999. May kondisyon sa kontrata na “no strike, no lock-out”, ibig sabihin, bawal magwelga ang empleyado at bawal din silang patalsikin ng kompanya.

Noong Mayo 1 at 12, pati Hunyo 12, 1997, abala ang kompanya dahil legal holiday at kasagsagan ng dating ng mga turista. Walong mekaniko ng ASA na pawang miyembro ng unyon ang nagmatigas at ayaw mag-overtime. Itinuring ng ASA na paglabag sa CBA ang ginawa ng walo dahil pinagka­kaisahan nila ang kompanya. Suspendido sila sa loob ng 30 araw at noong Hulyo 31, 1997, nagsampa ng reklamo ang kompanya sa NLRC para sa itinuturing itong “illegal strike” (case no. 07-97). Ngunit dahil sa posibilidad ng pagkakasundo, binawi rin ng ASA ang kaso/reklamo sa kondisyong itutuloy ang kaso kung hindi magkasundo ang dalawang panig.

Noong Oktubre 3, 1997, ipinaalam naman ng unyon na magsasagawa ito ng “notice of strike” dahil sa hindi natuloy na kasunduan. Pinaratangan nila ang mga opisyales ng ASA ng sumusunod: 1) union busting, 2) illegal dismissal ng opisya­les ng unyon, 3) illegal suspension sa walong (8) mekaniko, 4) paglabag ng MOA, 5) pamimilit sa mga empleyado at pag-iimbestiga sa mga bagong pasok na mekaniko tungkol sa pagsapi sa unyon, 6) diskriminasyon sa mga mekaniko ng eroplano, 7) harassment, 8) pagkuha ng contractual labor at constructive dismissal sa presidente ng unyon. Dahil hindi nagkasundo sa conciliation conference, natuloy ang strike/welga ng EASA noong Oktubre 22, 1997. Habang isinasagawa ang pangalawang strike na nag-umpisa noong Oktubre 29, 1997 hanggang Enero 1998, labing apat (14) na insidente ang nangyari sa loob ng siyam na hindi magkakasunod na araw kung saan ang mga miyembro ng unyon, pati ang presidente nito at ang mga mekaniko ay paulit-ulit na nagsagawa ng paninirang-puri at pananakot na sasaktan nila ang Personnel Manager, Chief Operating Officer, Mechanical & Engineering Manager, Avionics Technician, mga empleyadong hindi sumama sa welga at sa security guard ng kompanya. Mayroon pa silang mga banner, placard at streamer na naglalaman ng bulgar na salita at nagbibintang ng kapabayaan (criminal negligence) sa kompanya at mga opisyales nito.

Noong Hunyo 16, 1998, walong buwan matapos ang panga­lawang welga, nagsampa ng panibagong reklamo ang ASA sa ibang labor arbiter laban sa EASA at sa 17 miyembro ng unyon. Hinihingi ng kompanya na ideklarang illegal ang panga­lawang welga base sa insidenteng nabanggit at sa mala­wakang pag-iral ng dahas at karahasan habang nagaganap ang welga.

Noong Hunyo 15, 2000, nagdesisyon ang labor arbiter. Dinek­larang illegal ang pangalawang welga at tinanggap bilang pruweba ang naunang desisyon noong Setyembre 28, 1998 sa kasong NLRC case no. 07-97 na muling binuhay ng ASA kung saan dineklara din ng NLRC ang pagtanggi ng 8 meka­niko na mag-overtime noong legal holiday, ay isang illegal strike dahil sa paglabag ng unyon sa mga kailangang tuparin ayon sa batas bago makapagwelga. Sumang-ayon ang NLRC sa desisyon ng labor arbiter at dinagdag pa na kahit sa umpisa ay legal ang pagwewelga, ang karahasang ginawa pati ang di-makatarungang pagkilos ng mga miyembro habang isinasagawa ang welga ay sapat na upang ideklarang illegal ang pangalawang welga. Tama ba ang NLRC?

TAMA. Ang inireklamong kilos ng mga miyembro ng unyon, tulad ng pagpapakita ng mga placard at banner na nagpa­paratang ng kapabayaan (criminal negligence) sa kompanya at sa mga opisyales nito ay halatang ginawa upang takutin ang mga kliyente at perwisyuhin ang negosyo ng kompanya. Seryoso ang ginawa ng unyon at sapat na ito upang ideklarang illegal ang pangalawang strike. Ang paglalagay ng mga banner at placard pati ang pagtawag ng kung anu-anong pangalan at pananakot sa empleyado ang mismong kasamaang iniiwasan ng ating batas (Art. 264 Labor Code).

Sa kasong ito, kahit nasa tama ang layunin ng mga miyembro sa pagsasagawa ng welga, maaari pa rin itong idekla­rang illegal kung hindi tama ang paraan ng pagsa­sagawa. Ang paggamit ng karahasan, pananakot at puwersa upang maisagawa ang welga ay makapagpapahamak sa ibang tao kaya tama lamang na ideklara illegal ang welga. Kahit pa hindi ito sunud-sunod na ginawa ng mga miyembro sa loob ng walong buwan na itinagal ng welga, hindi rin naman sinabi ng batas na kailangang patuloy nilang ginawa ang mga kasalanang nabanggit sa buong panahon ng pagwewelga.

Dapat managot ang gumawa ng pinagbabawal. Ang kasong ito ay dapat ibalik sa NLRC upang pag-aralan ang indibidwal na responsibilidad at pananagutan ng bawat miyembro ng unyon at ang naging partisipasyon nila sa welga. (A. Soriano Aviation vs. Employees Association of A. Soriano Aviation et. Al., G.R. 166879, August 14, 2009).             

ILLEGAL

KOMPANYA

MIYEMBRO

NOONG

NOONG HUNYO

SHY

UNYON

WELGA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with