Pilipinas iligtas sa 2010, Lakas-Kampi ibasura
MAY basehan ang batikos na inaasam ni Gloria Macapagal Arroyo maging kongresista para palawigin ang sarili at mga kampon sa poder. Kapag nasa House of Reps na, gagamitin umano ni Arroyo ang nakaw na yaman para maging Speaker. At mula ru’n ipipilit nila ang pagbago sa parliamentary para mag-prime minister siya. Nu’ng Martes inamin ni Executive Secretary Eduardo Ermita na patuloy na isusulong ni Arroyo ang Charter change. Dagdag pa ni Presidential Chief Legal Counsel Raul Gonzalez nu’ng Huwebes na kapag mahawakan muli ng administration Lakas-Kampi party ang Kongreso, ii-impeach nila ang mahahalal na Presidente sa 2010 kung hahadlang ito sa parliamentary switch. At kapag parliamentary na, aalisin ang term limits na tatlong tig-tatlong sa mga kongresistang magiging ministers of parliament.
Aba’y talagang hayok sa kapangyarihan ang Arroyo admin. Garapal pang hinahayag ang kanilang maiitim na balak. Talamak na ang kanilang kasakiman. Pananatilihin ang mga sarili sa puwesto para patuloy na huthutan ang naghihirap na bayan.
Kung gan’un pala ang plano nina Arroyo at kampon, dapat lang ibasura lahat ng kandidato nila. Hindi dapat payagang maupo ang sinumang taga-Lakas-Kampi o iba pang partidong susuporta sa kanila. Nag-abiso na ang Nationalist People’s Coalition (NPC) at Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) na hahayaan nilang malayang pumili ang mga kasapi ng susuportahang kandidato sa pagka-Pangulo. Kaya dapat alamin sa mga NPC at LDP na ito kung kanino sila, at kung maka-Arroyo ay huwag iboto.
Si Arroyo ang pinaka-kinasusuklamang Presidente sa post-Marcos history. Ang dissatisfaction rating niya ay minus-52 percent. Bukod dito, sinasabi ng 80 percent ng Pilipino na hindi nila iboboto ang sinumang manok ni Arroyo. Alam ng mga Pilipino na lumubog tayo dahil sa admin niya. Kaya dapat lahat ng mga nagpahirap sa atin ay itakwil na.
- Latest
- Trending