Gutom sa kapangyarihan?

MARAMING nagulat nang mag-file si GMA ng Certificate of Candidacy (Coc) sa pagka-congresswoman ng 2nd district ng Pampanga. Ang posisyong ito ay kasa­lukuyang hinahawakan ni Mikey Arroyo, panganay na anak. Matagal nang usap-usapan ang pagtakbo ni GMA sapagkat 50 bisita ang nagawa sa kanyang hometown. Kaya noon pa marami nang may alam na tatakbo siya. Siya pa lamang ang kauna-unahang presidente ng Pilipinas na kumandidato para sa mababang puwesto.

Iba’t iba ang maririnig sa ginawa ni GMA. Gutom daw ito sa kapangyarihan. Hindi na raw ito dapat tumakbo sa pagka-kongresista sapagkat naging presidente na sa loob ng siyam na taon. Wala raw itong delikadesa. Imoral daw. Wala raw kahihiyan sa sarili. Gutom daw ito sa kapangyariham. Gusto raw nitong maging prime minister para mabigyan siya at kanyang pamilya ng protek­siyon sa mga kasalanang nagawa. Natatakot daw si GMA na baka kasuhan ng mga kalaban matapos ng kanyang termino. Mabuti na raw ang maging congresswoman dahil may immunity.

Ang problema nga lamang, tila walang pakialam si GMA sa anumang sinasabi ng mga kalaban sa pulitika. Dedma lang siya. Ngayon ay nagkaroon na ng katoto­hanan ang mga bulung-bulungan at haka-haka noon na tatakbo si GMA sa kanyang hometown bilang congresswoman. Bagamat hindi siya umaamin na tatakbo nga ay nakikita naman na ganoon nga kanyang gagawin. Nagkatotoo nga. Sabagay sino ba ang makaaalam kung ano ang tunay niyang balak kaya tumakbong muli, iyon nga lang, sa mas mababang posisyon. E kung barangay chairman na lang kaya ang tinakbuhan para magsimula siya sa pinakamababa. Sabi ang anim na taon daw na ter­mino para sa mahusay na presidente ay maikli. At iyan siguro ang dahilan kaya siya tatakbo, pero naka-siyam na taon na nga siya. At mahusay ba siyang presidente?

Show comments