NOONG una, buong paninindigang inihayag ni UP professor Randy David na handa niyang sagupain si Presidente Gloria Arroyo kapag tumakbo ang huli sa pagkakinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga.
Ngayong kumpirmado na’ng tatakbo si “Gloriath”, umatras naman si David. Ang sabi’y hindi niya kayang talunin ang makinarya at pondo ng Pangulo. Ibig sabihin halos “in the bag” na ang posisyon para kay Gloria.
Isa ako sa mga humahanga sa prinsipyo’t panindigan ni David noon. Pero sa tingin ko’y nagkamali siya sa pasya’ng umatras dahil lang sa pangambang matalo.
Hindi lang pagwawagi ang layon sa pagsabak ng tao sa eleksyon. Higit na mahalaga ay ang matapang na pagtindig sa prinsipyo’t paniniwala. Kung sadyang tinututulan mo ang posibilidad na maging “prime minister” ng bansa si Gloria, harapin mo siya at pigilin ang buktot na tangka. Kung matalo ka, may dahilan: Isa ka lang kasing langgam na sumagupa sa elepante. Pero kung manalo ka, hindi ba’t napakalaking karangalan na ang isang langgam ay nagapi ang elepante? Naniniwala ako sa kasaysayan sa Biblia nang talunin ng isang “uhuging” David ang higanteng mandirigmang Palistino na si Goliath. May basbas kasi ng Panginoong Diyos si David.
Bukod diyan – may matibay na pananampalataya si David na siyang nagbigay ng kakaibang lakas at kaka-yahang talunin ang isang dambuhalang nababalutan ng bakal ang katawan.
Sa pag-atras ni Prof. Randy David, kinakitaan siya ng kawalang-pananampalataya sa Diyos at sarili. Dahil diyan, inaba niya ang sariling reputasyon bilang matalino at bantog na kri-tiko ng administrasyon.
Naniniwala ako na ang basbas ng Diyos ay nasa taong bukod sa pananalig ay may tapat na layuning tuldukan ang makasariling ambisyon ng sino mang politiko na makapaghari nang matagal sa bansa.
Hindi ko alam kung ano ang ibang plano ng Diyos pero naniniwala ako’ng ito’y para pa rin sa ikabubuti ng bansa at mga mamamayan.
Ngunit sa ano mang magandang plano ng Diyos, mayroon siyang mga ta-ong ginagamit. Kung ayaw ng taong ito na gamitin siya, posibleng matagalan kundi man ganap na di matupad ang Kanyang mabuting balak.