Turista naman ang biktima
BARILAN naman sa Puerto Galera, Palawan ang nasa balita ngayon, kung saan apat na turista ang naospital dahil sa mga tama ng bala. Ang mga nakabangga ng mga turista ay mga pulis na dumalo rin sa pagbukas ng isang bagong KTV sa nasabing lugar. Dito pa lang parang may mali na. Hindi siguro dapat pumupunta sa isang lugar na may alak ang mga taong may baril, kahit hindi sila umiinom, kahit mga pulis pa sila. Mas lalo pa nga dapat kung pulis sila.
Ayon sa mga kwento, nagkaroon ng argument ang isang Koreano at isang GRO ng lugar, at habang umaawat ang isang pulis, nagkaroon ng pag-aagaw ng baril. Ang kinatapusan, may nagpaputok, at dalawa sa apat na dayuhang turista at isang lokal ang nagtamo ng tama sa hita at paa, habang sugatan naman iyong isa. May nasaktan din sa mga pulis. Mabuti at buhay naman lahat dahil mukhang sa binti at paa pinagbababaril ang mga turista.
Kaya mabigat ang naging aksyon kay Supt. James Brillantes. Tinanggal siya bilang hepe ng Puerto Galera habang nagkakaroon ng imbestigasyon sa nangyari. Nag-iisip na siguro na hindi na sana sila pumunta sa lugar na iyon, at may mga security naman ang mga ganyang lugar. Kailangan ba talagang magpaputok, at kailangan bang barilin ang mga turista? Imbestigasyon na naman, na malamang mauuwi rin sa wala.
Mga gulo sa probinsiya ang balita ngayon. Pero ngayon lang ba nangyayari iyan o matagal na? Ang mga pamilyang pulitikal ang mga naghahari sa kanilang mga probinsiya. Katulad ng mga Ampatuan, na tila mga diyos sa Maguindanao. Mga diyos na hawak ang kanilang mga balwarte sa leeg, at kapag naisipan, sasakalin na lang.
Iyan ang mahirap sa ating bansa. Habang papalayo sa kapital ng gobyerno, tila may mga sariling gobyerno na ang ilang mga probinsiya, lalo na kung may private army na kontrolado ng isang pulitiko. Parang wala nang batas dahil malayo naman sa pinakasentro ng gobyerno. Namumuno na lang ang mga pamilyang iyan sa kapangyarihan ng baril, sanggano at ginto, ika nga. Kaya pag dating ng eleksyon, sino nga naman ang mananalo? Lalo na kung nakipag-alyansa pa sa isang administrasyong gagawin ang lahat para manalo lang.
- Latest
- Trending