EDITORYAL - Kawawa ang mga mamamahayag
NOW it can be told, lubhang delikado at nagiging kaawa-awa ang kalagayan ng mga mamamahayag sa bansang ito. Sa pagtupad ng tungkulin na maihatid ang mga nangyayari, nasusuong sila sa panganib at ang kinahahantungan ay ang kanilang sariling hukay. Karaniwang mga mamamahayag ng regional newspaper ang nahaharap sa ganito kahirap na sitwasyon. Marami nang mamamahayag sa probinsiya ang inambus at napatay at hanggang sa kasalukuyan, karamihan sa kanila ay hindi pa nakakakamit ng hustisya. Paano nga ba makakakamit ng hustisya ang mga kawawang mamamahayag gayung ang gobyerno ay hindi sinsero sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga ito? Dati, ang Iraq at Afghanistan ang pinaka-delikadong lugar para sa mga mamamahayag pero ngayon, ang Pilipinas na ang nakakakuha ng taguring ‘yan. Pina lubha nang nangyari sa Maguindanao noong Nobyembre 23 kung saan 30 mamamahayag ang karumal-dumal na pinatay. Kasama ang mga mamamahayag sa convoy ng mga kaanak ng pulitikong magpa-file ng certificate of candidacy nang harangin ng may 100 armado na pinaniniwalaang tauhan ng kalabang pulitiko. Sa isang iglap, nawala sa landas ang 30 mamamahayag at walang anumang nalibing sa hukay. Ngayon, marami ang nababahala na masusundan pa ang mga pagpatay sa mga mamamahayag. Maski ang United Nation Secretary-General na si Ban Ki-moon ay nagpahiwatig na masusundan pa ang pag-atake sa mga mamamahayag. Wala raw dapat gawin ang pamahalaang Arroyo kundi lutasin ang kaso at proteksiyunan ang mga mamamahayag.
Totoo ang kasabihang ang kalahating katawan ng mga mamamahayag ay nasa hukay. Delikado ang kanilang kalagayan lalo pa nga’t nasa isang lugar na katulad ng Mindanao na ang mga pulitiko ay angkan-angkan at sila-sila ang naglalaban. Ang mga pulitikong ito na may mga sari-sariling hukbo ng mga sandatahang tagasunod ay pawang nakahanda para protektahan ang kanilang sarili. Hindi sila magpapatalo at handang makipagpatayan sa kalabang angkan para mapanatili ang paghahari sa lugar. Sa awayan ng mga pulitiko ang mga mamamahayag ang naiipit at naililibing sa hukay.
Sabi nga ng publisher ng Periodico Ini na si Ronald Mascardo na nakabase sa Mindanao, kapag umaalis siya ng bahay para magtungo sa kanyang pahayagang pinagtatrabahuan, 50-50 ang tsansa na makauwi siya nang buhay sa kanilang bahay. Sa nangyaring Maguindanao massacre, limang staffer ng kanyang diyaryo ang nalagas. Sabi ni Mascardo, isa raw sana siya sa napatay kung hindi nagbago ang kanyang desisyon na huwag sumama sa convoy.
Ganyan kadelikado at kaawa-awa ang kalagayan ng mga mamamahayag.
- Latest
- Trending