Kampanya na, kaya krimen lumalala rin
ILANG linggo ang nakalipas, sa Ortigas Center, Pasig: naghahapunan ang mga magkaka-barkada nang balikan ng isa ang naiwan na cell phone sa guarded private parking lot. Mula sa likod biglang lumapit ang kotse. Pag hinto sa tabi niya, bumaba ang isang armadong lalaki, tinutukan siya sa ulo, at hiningi ang susi ng SUV. Dahil sa presence of mind, ihinagis ng biktima ang susi sa mga guwardiya at nagsisigaw. Kinaladkad ng armado at isa pang lalaki ang biktima sa loob ng kotse, umandar patungo sa guards, pinulot ang susi, at bumalik sa SUV. Saka itinapon ang biktima sa aspalto habang ninanakaw ang SUV niya. Tila kakampi ng carjackers ang guards, na hindi man lang pinigilan ang krimen sa punong parking lot.
May leksiyon sa kuwentong ito. Mag-ingat gabi man o araw, dahil miski unipormado ay hindi puwede pagtiwalaan. Kung pupunta sa kotse sa parking lot, lalo na kung babae, magpasama sa kakilala. Dalawang rason kung bakit lumalala ang krimen:
Una, kampanya na para sa 2010 elections. Tulad ng dati, nagpa-fund raising ang mga tiwaling politiko sa pamamagitan ng ilegal. Asahan ang pagdagsa muli ng bank robbery, carjacking, narco-trafficking at gun running. Nawasak na ng pulisya ang Alvin Flores robbery gang na protektado umano ng isang mayor sa Pangasinan. Pero marami pang ibang sindikato. Sa krimen kumukuha ng pampanalo sa puwesto, tapos magnanakaw din sila habang nasa puwesto.
Ikalawa, partikular sa Metro Manila, lalala ang nakawan ng kotse. Marami kasing nasirang sasakyan sa baha ng Storm Ondoy. Kinakapos sa spare parts ang mga tindahan. Sinasamantala ito ng mga magnanakaw (na protektado pa ng pulis). Kina-cannibalize ang mga nakaw na sasakyan para ibenta ang piyesa sa mga desperadong nagtitinda at bumibili.
Gan’un na kalubog ang sitwasyon ng bansa natin.
* * *
Lumiham sa [email protected]
- Latest
- Trending