Delikadong Dubai
NATARANTA ang mga ekonomiya ng mundo nang humiling ang pinakamalaking kompanya sa Dubai na kung puwede ay hindi muna sila magbabayad ng utang sa loob ng anim na buwan, para makabangon din sa kahirapang pinansiyal. Halos $60-bilyon ang utang ng kompanya kung kani-kanino sa mundo. Sa pahayag na nito, nagbagsakan ang mga merkado at nataranta ang mga institusyong pinansiyal. Hindi inaakala na maririnig nila ito mula sa Dubai, kung saan ang imahe ay napakayaman ng gobyerno at mamamayan. Nandito ang mga pinakamalaki at ambisyosong mga proyekto, katulad ng Burj al Arab Hotel, Palm Island at ang ginagawang World Island. Mga mamahaling proyekto na walang katulad sa buong mundo. Isang inaakalang napakayamang lungsod ay baon pala sa utang.
Ngayon, nerbiyosong naghihintay ang lahat sa aksyon ng Dubai, kung ganun nga ang mangyayari. Dahil kung ibibigay nga ang anim na buwang paghihinto ng pagbayad ng utang, bubulusok na naman ang mga ekonomiya, hihinto ang recovery, at babalik uli ang krisis. Ganito ang nangyari nang madiskubre na scam lang ang ginawa ni Bernie Madoff. Akala nasa mga magagandang negosyo ang mga pera, pero pinaikot lang pala hanggang nau bos. Nang sumabog ang balita, nagbagsakan ang mga nagpautang ng pera sa kanya, bumagsak ang merkado ng Amerika, at sumunod na rin ang mundo.
Para gumanda ang isang ekonomiya, kailangan maraming perang umiikot sa negosyo at industriya. Ganyan ang malusog na ekonomiya. Kapag walang masyadong umiikot na pera, bagsak ang ekonomiya. Kaya nauso ang bailout o stimulus kung tawagin. Magpapautang ang gobyerno sa malalaking kompanya para makapagpatuloy ang takbo ng negosyo at industriya. Pero dapat makabayad din ang mga ito sa takdang panahon. At magagawa lang nila ito kung gumagastos din ang taumbayan. Umiikot ang pera, at hindi natutulog lang kung saan-saan.
- Latest
- Trending