Buhay, Kalayaan at Pag-aari
NAIBABA na sa Qualified Theft ang kasong kinasangkutan ng isang katulong na nabiktima ng Dugo-Dugo Gang, may isang buwan na ang nakalilipas.
Matatandaang lumapit sa BITAG ang mga kapatid ng 19 anyos na kasambahay na ngayo’y nakapiit pa rin sa National Bureau of Investigation.
Matapos madesisyunan ng isang fiscal sa Muntinlupa ang kasong isinampa ng amo sa katulong na Robbery at Qualified Theft, isa na lamang ang kaso nito.
Subalit ang problema, walang piyansa ang kasong ito. Dahil ayon sa among nagrereklamo, halos walong daang libong piso ang mga nakuha sa kanilang kuwarto.
Ang mga pera’t alahas nga na ito ang naibigay ng inirereklamong katulong sa miyembro ng Dugo-Dugo na nagssabing naaksidente nga ang kaniyang amo.
Nakakagulat para sa simpleng tao lamang, Qualified Theft lamang ang kaso subalit walang piyansa.
Nasasaad sa Memorandum Order No 177 ng Department of Justice at pirmado rin ng pangulong Gloria Arroyo, kapag ang mga ninakaw na pag-aari ay umabot sa halagang limang daang libo pataas, wala itong kaukulang piyansa.
Ayon kay Atty. Freidrick Lu ng Philippine Christian University Law School, maaaring naging batayan ng DOJ na maibsan ang pagdami ng mga krimeng papasok sa Qualified Theft.
Isa umano itong babala sa mga suspek na hindi lamang nila basta-basta matatakasan ang kanilang ginawang krimen.
Subalit ayon naman sa isang Assistant State Prosecutor ng DOJ na tumangging magpakuha sa camera, nilalabag nito ang Bill of Rights na nakasaad sa ating konstitusyon.
Nakasaad doon na wa lang sinuman ang maaaring pagkaitan ng buhay, kalayaan at ari-arian. Sa pagkakasunod-sunod pa lamang ng pagkakasulat sa mga nabanggit na element, makikita na ang kahalagahan nito.
Na ang buhay ay mas mahalaga sa kalayaan at ang kalayaan ay mas mahalaga sa ari-arian.
Kinokontra ng Memorandum 177 ng DOJ ang bagay na ito dahil pinagkakaitan ng kalayaan kahit pansamantala lamang ang isang suspek na gumawa ng krimen dahil sa pag-aari lamang.
Nakatutok pa rin ang BITAG sa kaso ng kasambahay na ito kung saan nasa korte na nililitis ang kanilang kaso.
- Latest
- Trending