MAHILIG sa pag-aaral ang mga Pinoy. Ginto para sa kanila kapag nakatapos ng pag-aaral. Ang mga magulang, ginagawa ang lahat para mapag-aral ang kanilang mga anak. Kahit na magkautang-utang o ipagbili ang kalabaw, gagawin para makapag-aral at makatapos ang mga anak.
Merong ibang magulang na talagang hindi makayang pag-aralin ang mga anak. Kailangang unahin ang ilalaman sa sikmura. Kaya maraming bata na hindi marunong sumulat at bumasa. Karamihan sa kanila nasa slums area o kaya’y liblib at mahirap na barangay.
Kaya tama lang na purihin at ipagmalaki si Efren Peñaflorida. Mas kahanga-hanga siya kumpara sa mga mambabatas na may pork barrel pero hindi naisip na gamitin para matulungan ang mga kabataang mangmang.
Si Efren, inilagay sa kariton ang mga libro, ma-gazine, diyaryo at iba pang mahalagang babasahin. Sa unang tingin, aakalaing magbobote-diyaryo ang 28-taong gulang na si Efren. Bihira ang nakaaalam na ang laman ng kariton ay para sa pagpapanday ng karunungan ng mga mahihirap na bata na hindi makapag-aral dahil sa kahirapan ng buhay. Maraming bata na gustong mag-aral subalit walang pe- rang gagamitin para makapasok sa paaralan.
Si Efren ay isang teacher mula sa Cavite. Mula sa mahirap na pamilya. Mula pa sa pagkabata, nakita na niya ang mga mahihirap na bata sa slums area na hindi nag-aaral. Karamihan sa mga bata ay naka-exposed sa masasamang gawain, pagkakaroon ng mga kabarkada at madalas napapaaway dahil sa sinalihang gang.
Nakaiwas si Efren sa impluwensiya ng mga ka bataan at nakapagtapos ng pag-aaral. Habang nadadagdagan ang nalalaman, lumawak ang kanyang pang-unawa ukol sa mga batang napagkakaitan ng edukasyon. Kawawa ang mga bata kung hindi marunong bumasa at sumulat. At naisip niya ang pambihirang ideya, ang “kariton klasrom”. Mula sa lumang kariton na may mga libro ay mae-educate niya ang mga batang mahihirap. At hindi siya nabigo. Marami siyang naturuang mga bata. Hanggang sa makilala siya. Nang magkaroon ng online voting sa CNN Hero of the Year, si Efren ang nanalo. Pinakamataas ang kanyang natanggap. Nakilala siya sa buong mundo dahil sa hangaring maturuan ang mga kawawa at mahihirap na bata. Tinalo niya ang mga mambabatas na may pork barrel pero walang maipakitang kabayanihan.