Si Mayor Zaldivar at ang Flores gang
NAG-AABANG ang sambayanan sa aksiyong gagawin ng gobyerno kay Mayor Leoncio Zaldivar Jr. ng San Nicolas, Pangasinan dahil sa relasyon niya sa mga miyembro ng Alvin Flores gang. Hindi dapat magpatumpik-tumpik ang Arroyo administration sa kaso dahil hindi biro ang kasong kinasang kutan ng Alvin Flores gang na ang huling sinalakay ay ang tindahan ng relos sa ground floor ng Greenbelt 5 mall sa Makati City. Dapat ibato ng gobyerno ang batas kay Zaldivar para hindi na siya pamarisan pa ng mga kapwa pulitiko. Hindi kasi maganda sa paningin ng sambayanan ang tinuran kamakailan ni Chief Supt. Romeo Gatan, ang hepe ng PRO1, na naghahanap pa sila ng witness at ebidensiya para habulin si Zaldivar.
Hindi pa ba sapat na ebidensiya ang pag-amin ni Zaldivar na kinalong niya ang lider ng gang na si Alvin Flores doon mismo sa bahay n’ya nang masugatan ito sa engkuwentro sa Metro Manila? Di ba ebidensiya rin ang patuloy na pagkolekta ng pamilya ng isa sa mga suspect na si Jose Warlito Rodriquito ng kanyang suweldo kahit nasa kulungan na siya? Mukhang ang taga-San Nicolas ay alam lahat ang baho ng mayor nila maliban na lang kay Gatan. Kailan sasampahan ng kaso ni Gatan si Zaldivar?
Dahil sa relasyon niya sa Flores gang, dumidistansiya na ang mga kaalyado niya sa pulitika kay Zaldivar. Kaya kung gaganapin ang election sa ngayon, tiyak sa kangkungan ang bagsak ni Zaldivar. Hindi biro kasi na ang mayor n’yo na ang dapat ang kapakanan ng mga residente ang atupagin ay ang mga kriminal ang kinakalong. Mariing pinabulaanan ni Zaldivar na nakinabang siya sa ninakaw ng Flores gang. Subalit alam kong bulagsak si Flores at mahilig magpainom at hindi ako magtataka kung nabahaginan ng grasya ng gang si Zaldivar. Tanong ko lang, paano makakakuha ng ebidensiya ang gobyerno sa aspetong ito? Tiyak walang gustong magsalita sa mga taga-San Nicolas dahi takot na maaring balikan sila ng mga iba pang bataan ni Zaldivar.
Ito palang si Armando Domingo na napatay sa Greenbelt 5 mall ay naging tauhan din ni Zaldivar, ayon sa PNP. Na-trace ng PNP sina Dennis Serquina at Rodriquito dahil kay Domingo, na ang hawak ay ang baril na pag-aari ng mga bataan ni Zaldivar. Si Domingo ay dating NPA at CAFGU, si Rodriquito naman ay dating SAF, Scout Ranger at bomb squad ng Army na nag-AWOL noong 1993. Minabuti pa ni Rodriquito na sumama sa grupo ni Alvin Flores kaysa manatili sa Army dahil madali ang pera rito. Ang tawag sa grupo ni Flores ay X-men dahil karamihan sa mga miyembro ay ex-police, ex-Army, ex-NPA at ex-militiamen.
Inamin naman nina Rodriquito at Serquina na nagtrabaho sila sa bakuran ni Zaldivar. Kaya sa nalalapit na elections, huhusgahan na ng taga-San Nicolas si Zaldivar. At sa tingin ng mga kausap ko, hindi na siya makababangon pa sa sigalot na pinasok niya.
- Latest
- Trending