EDITORYAL - Ibalik ang death penalty
KUNG ano ang inutang ay siya ring kabayaran. Ganito ang dapat gawin sa mga “halimaw” na pumatay sa 57 katao sa Maguindanao noong Lunes. Gawaran din sila ng parusang kamatayan sa oras na mapatunayang sila ang walang awang pumatay sa mga biktima. Karamihan sa mga pinatay ay babae, mayroon pang buntis, at mayroong hindi naman talaga kasama sa convoy. Maraming mamamahayag ang pinatay. Mayroong hindi na nakaalis sa sasakyan at doon na pinatay. Para maitago ang krimen, pati sasakyan ay ibinaon din.
Sumuko na ang pangunahing suspek na si Ma-yor Andal Ampatuan at kasalukuyang nakakulong sa National Bureau of Investigation (NBI). Pero itinanggi ang akusasyon. Hindi raw siya kundi ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na si Umbra Kato ang nagmassacre sa 57 katao. Pinagtawanan ni Buluan Vice Mayor Ismael Mangudadatu ang sinabi ni Ampatuan. Sinabi ni Mangudadatu na nakausap pa niya ang asawang si Genalyn at sina bing hinarang sila ng mga armadong lalaki at isa rito si Ampatuan. Ginahasa pa umano ang asawa ni Mangadadatu saka pinatay.
Isang witness na ang lumutang at sinabing su-munod lamang sila sa utos ni Ampatuan Jr. Kung hindi raw siya susunod sa utos ay baka sila ang ilibing sa ipinasadyang hukay. Hindi umano niya nakaya ang kanyang konsensiya kaya nagpasya siyang lumutang na at sabihin ang mga ginawang karumal-dumal.
Kapag napatunayan na may kinalaman si Ampatuan Jr. sa masaker, kulong lamang ang maipaparusa sa kanya. Maaari pa siyang ma-pardon. Maaari pang makalaya. Maaaring makabalik sa pagiging mayor sa kanilang bayan. Parang walang nangyari.
Mas maganda kung sa panahong ito ay isusulong ang pagbabalik sa death penalty. Sa nangyaring karumal-dumal na krimen sa Maguindanao, dapat lamang na ang mga may kasalanan ay makalasap din ng parusang kamatayan. Sobra na ang nangyayaring ito na wala nang kinatatakutan ang mga kriminal, dapat lamang ibalik ang bitay. Masyadong malambot ng batas sa mga gumagawa ng krimen. Hindi na dapat pagdebatehan pa nang matagal ang pagbabalik sa death penalty. Dapat ibalik ito sa lalong madaling panahon.
- Latest
- Trending