ANG sambayanang Pilipino at ang mga dayuhan, ay nakaabang sa makasaysayang paghahain ni Presidente Erap ng Certificate of Candidacy (CoC) sa Biyernes (Nobyembre 27), araw para sa 2010 election.
Ito ang napag-usapan namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
Mayorya sa mamamayan, lalo ang masa, ay matagal nang hinihintay at isinusulong ang muling pagsisilbi ni Erap upang makamit na ng ating bansa ang tunay na kaunlaran, demokrasya at pag-iral ng batas. Inaasahan na namin ang gagawin na naman ng ilang grupo o indibidwal para harangin ang kandidatura ni Erap.
Pero handang-handa kami diyan, at mayroon nang nakatatag na legal panel na magpapatunay ng legalidad ng pagkandidato ni Erap. Ang naturang panel ay pangungunahan ng ilan sa legal luminaries tulad nina Justice Magdangal Elma, Dean Pacifico Agabin, Dean Amado Valdez, Atty. George Garcia, Atty Koko Pimentel at Congressman Rufus Rodriguez.
Samantala, pormal nang tinanggihan ni Jinggoy ang alok ng Nacionalista Party na maging guest candidate siya ng naturang partido. Ayon kay Jinggoy, nagpapasalamat siya sa NP sa naturang alok, pero kailangan niyang manindigan para sa kanyang sariling partido, ang Puwersa ng Masang Pilipino (PMP), kung saan siya ang Executive Vice President, at ang itinataguyod na standard bearer para sa 2010 election ay si Erap, habang sa senatorial ticket naman nito ay kabilang si Jinggoy at ang iba pang mga magagaling at tunay na makamasang kandidato.
Inihayag din ni Jinggoy na sa pagbabalik ng kanilang sesyon sa Disyembre 1 ay pormal niyang babawiin ang kanyang lagda sa Resolution 1742 tungkol sa tinaguriang C-5 road controversy dahil sa biglaang paglalabas ng nasabing resolusyon na hindi dumaan sa tamang proseso.