Huramentadong pulis dapat suriin
KULANG ang tugon ni Metro Manila police chief Director Roberto Rosales sa paghuhuramentado ng dalawang tauhan sa magkaibang insidente. Ipapakita ko kung bakit.
Nu’ng nakaraang linggo sa isang lamay sa burol, binaril-patay ng lasing na Senior Police Officer-1 Hassan Baharan sa ulo ang ka-live in. Tapos nag-uniporme siyang pulis, nang-agaw ng tricycle, at nakipag-barilan sa dalawang rumespondeng pulis. Napatay ni Baharan ang isa at nasugatan ang ikalawa, na pawang kakilala niya; patay din si Baharan. Sa isang bar naman, pilit sinasayaw ng lasing na PO-2 Eugenio Amaro ang dalawang babae. Nang tumanggi ang mga ito at mga kasamang lalaki, nagpaputok si Amaro at ang tatlong kabarkada (kabilang ang anak ng isa pang pulis). Sa kalsada nagkaroon pa ng running gun battle sa mga tumutugis na pulis; napatay ang kabarkada ni Amaro na anak ng pulis.
Ani Rosales, walang away sa hanay ng mga pulis. Ipinapakita aniya ng pagkamatay at pagkasugat ng mga rumesponde ang kahandaan nila sa tungkulin. At inatasan ni Rosales ang mga hepe ng pulis sa Metro Manila na higpitan nila ang pagpapatupad sa mga regulasyon. Isa na rito aniya ang pagbabawal sa pulis na magdala ng baril kapag naka-civilian attire.
Dapat humakbang pa si Rosales nang dalawa. Una, ipagbawal niya ang paglalasing ng mga pulis. Kalasingan ang pinagmulan ng mga barilan na kinasangkutan nina Baharan at Amaro. Ikalawa, ipasuri ni Rosales sa pamunuan kung bakit nakakalusot sa recruitment nila ang mga animal na katulad ng dalawa. Malinaw naman na hindi dapat napapasukan ang pulisya ng mga bayolente, mamamatay-asawa, at sira-ulo.
Kelan lang ay nagwala ang isang US Army major na psychiatrist, at namaril ng mga kapwa sundalo kaya nakapatay ng 13. Sinusuri ngayon ng awtoridad kung bakit hindi napansin na malapit nang mag-flip ang salarin — para maiwasan maulit ang pangyayari. Gan’un din sana sa Pilipinas: laliman ang pagtrato sa mga maseselang insidente para maiwasang bumalik.
- Latest
- Trending