'Love and Death'
(Huling bahagi)
ISANG linggo na lang matatapos na sana si Tope sa kolehiyo.
NOONG BIYERNES, naisulat ko ang misteryosong pagkamatay ni Christopher Yam Lee “Tope”, 22 taong gulang.
Ika-6 ng Marso 2009, natagpuan siya ng kanyang ina na si Melinda “Linda” Yam Lee na nakabulagta sa sarili nitong kwarto.
“Nakadikit ang duguan niyang ulo sa pader kaya agad ko siyang kinalong, nagsisigaw ako at humingi ng tulong,” pahayag ni Linda.
‘Dead on arrival’ na si Tope ng dalhin sa ‘emergency clinic’.
Pina-autopsy nila si Tope sa National Bureau of Investigation (NBI). May tama ito ng bala sa may kanang bahagi ng tuktok ng kanyang ulo.
Hindi matanggap ni Linda ang nangyari sa kanyang anak. Isa-isa niyang tinanong ang mga huling nakasama ni Tope sa bahay bago ito natagpuang patay.
Tinawagan niya si Rochella Costa, 25 taong gulang, ang apat na taong ka-‘live-in’ ni Tope ngunit hindi nito sinasagot ang kanyang cell phone.
Ayon kay Cris, nakababatang kapatid ni Tope, huli niya itong nakausap ng yayain niya si Tope na manood ng ‘mini concert’ sa Alabang Town Center. Binuksan umano ni Che ang pinto at napansin niyang namumugto ang mga mata nito. Hindi sumama si Tope kaya umalis na si Cris.
Pagkauwi niya bandang 9:00 ng gabi, kumatok si Cris sa kwarto ni Tope para makigamit ng computer. Sumagot umano si Che ng ’tulog na ang kuya mo’, kaya’t hindi na siya pumasok pa sa kwarto, sa halip ay nanunuod na lang siya ng DVD.
Bandang 10:45 ng gabi, nag-cr si Cris para umihi, habang naghuhugas ng kamay, may nakita siyang taong nakatayo sa ‘frosted /smoke glass’ sa pintuan ng kanyang kuya. Inakala niyang si Tope iyon kaya hindi niya ito pinansin. Bumalik si Cris para manuod ng DVD at pagkatapos ay natulog na siya.
Sabi naman ni Elizabeth, pinsan ni Linda, bandang alas 6:00 ng gabi ng dumating si Che ng bahay. Napansin niyang hindi ito mapakali at balisa. Pabalik balik umano ito sa ref para uminom ng tubig at di nagtagal, dumiretso na si Che sa kwarto ni Tope.
Nanuod ng TV si Elizabeth. Ayon sa kanyang sinumpaang salaysay bandang alas 8:00 hanggang alas 9:00 nakarinig siya ng isang putok.
Inisip niyang may sumabog lang na kuryente kaya naman hindi niya ito pinansin. Inabot siya 11:45 kakapanood ng TV at pumasok na siya sa kwarto ni Cris para matulog.
Ang kapatid naman ni Linda na si Maria Minda, ay nagsabing nakasalubong niya si Che bandang 12:00 ng madaling araw. Nagmamadali umano itong lumabas ng gate. Tinanong ni Minda kung saan pupunta si Che ngunit hindi siya pinansin nito. Tuloy-tuloy na naglakad si Che palabas ng subdivision. Pumasok na lang si Minda ng bahay at natulog.
Ika-6 ng Marso 1:00 ng hapon dumating si Linda at dumiretso sa kwarto ni Tope upang ibigay ang perang pang ‘tuition’ nito.
Doon niya natagpuang patay si Tope. Nangingitim na ito at duguan ang ulo.
“Wala akong nakitang baril sa tabi ni Tope, may mga nawawalang gamit at mukhang inayos at nilinis ang kwarto niya,” paglalahad ni Linda.
Ayon sa ‘post-mortem findings’, “the cadaver of the victim did not show any presence of tattoeing or gunpowder burns on the skin of the victim particularly on the entrance wound.”
Ang ibig sabihin nito mga mambabasa ng pitak na ito na kung nagpakamatay ang biktima sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili dapat may sunog ang paligid ng butas kung saan pumasok ang bala. Ang lakas ng pulbura ay sapat para sunugin ang balat at buhok nito. Walang ganun sa sugat sa ulo ni Tope. Binaril siya na ang dulo ng baril ay may ilang pulgada ang layo sa ulo niya!
“Napakasakit para sa akin ang pagkamatay ni Tope. Hindi ako titigil hangga’t hindi nahuhuli ang gumawa nito sa anak ko”, pahayag ni Linda.
Pinarating niya kay Che ang nangyari. Ayon kay Linda, maski sa burol at libing ni Tope ay hindi na ito nagpakita.
“Kung talagang wala siyang kasalanan, bakit hindi siya nagpapakita sa amin?” sabi ni Linda.
Nagsampa siya ng kasong Murder laban kay Che sa Prosecutor ng Las Piñas. Sa hindi pagsipot ni Che, ang kaso ay napunta sa Regional Trial Court Branch 202 ng Las Pinas City.
Noong Ika-23 ng Oktubre 2009 nagpalabas ng ‘Alias Warrant of Arrest’ si Judge Elizabeth Yu Guray para kay Che o Rochella Costa ang buong pangalan..
Itinampok namin ang kanyang problema sa aming radio program na “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882 khz (tuwing alas 3:00 ng hapon).
“Walong buwan ng patay si Tope. Ang nais namin ay mahanap si Che para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak ko” panawagan ni Linda.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malaking palaisipan ang pagkamatay ni Tope dahil walang nakasaksi ng barilin ito. Hindi rin natagpuan ang baril na ginamit.
Maraming tanong ang pumasok sa isipan ko. Bakit hindi pumunta ang kanyang tiyahin sa kwarto nito matapos makita ang asawa ni Tope na umaalis ng dis oras ng gabi? Bakit hindi man lang tinignan ng kapatid nito ang kwarto ng makarinig ito ng putok? Bakit tanghali na ganung bukas ang pintuan ang kwarto ni Tope wala man lang sumilip kahit sino sa mga kasama niya sa bahay?
Ang pinakamalaking BAKIT ay ang tanong kung “Bakit binaril itong si Tope? Sino ang bumaril sa kanya? Lumalabas na si Che ang huling kasama ni Tope sa kwarto bago ito natagpuang patay. Ayon na rin sa mga kaanak ni Tope, balisa siya at mabilis na umalis ng bahay.
Sino ang nakita ni Cris sa ‘frosted/smoke glass’ na inakala niyang si Tope ito? Kung tutuusin hindi kaya ng isang babae ang barilin sa ulo ang isang lalake, linisin ang dugo sa sahig at buhatin ito upang ilatag sa kama.
Malinis ang paligid. Walang nakitang anumang basahan, tuwalya o pamunas man lang na ginamit upang isaayos ang kwarto ni Tope.
NARITO ang litrato ni Rochella Costa. Kung meron kayong alam sa kanyang kinaroroonan maari lamang ay makipag-ugnayan kayo sa aming tanggapan.
(KINALAP NI AICEL BONCAY)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 maari din kayong tumawag 6387285. Maari din kayo magpunta sa aming tanngapan 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Ugaliing makinig sa DWIZ 882 tuwing Lunes hanggang Biyernes ganap na alas 3:00 ng hapon at tuwing Sabado alas 7:00-ng umaga
NAIS NAMIN ibalita sa inyo na ang aming tanggapan Hustisya Para sa Lahat ay bukas mula Lunes hanggang Biyernes alas 8:30 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi. Tuwing Sabado naman alas 8:30 hanggang alas dose ng tanghali. Meron din kaming 24/7 Hotline na maari ninyong tawagan. Ang aming numero ay 7104038. Kahit anong oras kayong tumawag dyan meron sasagot sa inyo.
Email: [email protected]
- Latest
- Trending