Sino ang pinipili ng Liberal Party?
NAGTAPOS ako noong nakaraan sa isang tanong: Bakit nga ba palipat-lipat ang mga pulitiko pagdating ng panahon ng eleksiyon? Di kaya nalalayo tayo sa tunay na pagbabago kung pare-parehong mukha ang lumilipat lamang? Ito na ngayon ang sagot.
Bilang mamamahayag, maraming bagay ukol sa pulitika ang pinagtatawanan lang namin, kinokomen taryuhan at tampulan ng aming pambubuska sa araw-araw sa radyo at telebisyon. Ngayon na ako ay mas malapit sa pulitika (bagamat pilit lumalayo hanggang sa makakaya) nakikita ng aking sariling mata ang mga katotohanan na hindi lubos maiintindihan ng tao — o mamamahayag — na hindi pa napapasok nang lubos sa kakaibang mundong ito.
Kasama sa mga katotohanang ito ay ang panganga ilangan ng mga pulitiko na mamili ng kanilang aalyansahan papalapit sa eleksiyon. Dito nakasalalay ang direksiyon ng patutunguhan ng pulitiko. Nababakas din dito kung ano ang mga pinahahalagahan ng isang pulitiko sa kaniyang pagseserbisyo-publiko. Ano ang importante sa kanila? Pera? Pagkaliyamado? Prinsipyo? Pagkakaibigan hanggang kamatayan? Karamihan sa mga pulitiko ay gustong manalo. Sino ba ang tumatakbo para matalo? At sa sistema ng pulitika natin na walang mga regu lasyon sa lipatan ng partido, malaya silang nakakalipat.
Sa kaso ng Liberal Party, sa abot ng aking nalala man, pinag-uusapang mabuti kung sino ang tatanggapin sa kanilang samahan. Dahil sa nais ng partido na panatilihin ang imahe nito ng prinsipyo at kalinisan, pihikan din naman sila. Dati ay pinagtatawanan lang ang LP dahil kakaunti lamang sila sa mga miyembro. Nangyari pang naging Oposisyon sa administrasyong Arroyo, eh di laluna silang kumonti dahil wala silang makuhang pakinabang at iniipit pa ng kasalukuyang administrasyon. Pero malinaw na ang pang-iipit na ito ay mula naman sa Malacanang at hindi mula sa lahat ng miyembro ng LAKAS-KAMPI, ang pinakamalaking partido sa Pilipinas sa kasalukuyan. Natural na nanaisin ng LP na lumaki din ang kanilang partido. Kahit manalo pa si Noynoy at Mar bilang Presidente at Bise, kung walang kaalyansa sa iba’t ibang bahagi at sangay ng pamahalaan, mahihirapan din silang magpatakbo sa nais nilang direksiyon. Kaya sila tumatanggap ng mga bago at, oo, lumilipat na mga pulitiko mula sa ibang partido.
May iba-ibang klaseng lumilipat. Nariyan ang tulad ni Edu Manzano na nakikipag-usap nang matino at nagbigay na ng kaniyang salita sa pagtanggap ng alok na maging bahagi ng LP Senate slate. Pero ni hindi pa nauupuan ang puwesto ay lumipat na ulit sa partido ng Administrasyon. Nariyan ang tulad ng mga Belmonte at si Herbert Bistek Bautista na niligawan. Ang mga tulad nila ang inaawitan at hinaharana dahil sa kanilang napakalawak na popularidad sa Quezon City, isa sa pinakamalaking siyudad sa buong bansa. May panuntunan ang LP ukol sa kalinisan at integridad. Hindi naman manliligaw ang LP sa aalyansa sa kanila kung hindi papasa sa panuntunang ito. Hindi rin naman siguro lalawak ang popularidad ng mga Belmonte sa QC kung sila’y mga kawatan. Hanggang sa ibinigay na nga ni SB ang kaniyang matamis na “oo”. Ganoon din ang nangyari kay Ralph Recto at Vilma Santos. Una, walang Vi kung walang kasamang Ralph. Buy One Take One. Mahal ng mga Batangueno si Vilma, at mahalaga ang Batangas. May mga umayaw kay Ralph Recto sa Partido na ngayon nga ay gustong tumiwalag dahl lang dito. Pero hindi rin siguro papapasukin ang Ralph sa LP kung may mga ginawa itong kahindik-hindik at hindi matatanggap.
May mga gusto pa ring lumipat, at kumakatok sa pintuan ngayon ng LP. Hindi ko na mababanggit ang mga pangalan. Hindi ako miyembro ng LP pero baka ako’y tiwalagin ng aking bagong-bagong asawa kung ako’y magsasabi ng maraming bagay. Ngunit hindi lahat ng gustong lumipat ay tinatanggap. May mga panuntunan. Ang iba, personal. Ang iba, dahil sa ayaw ng ibang kapartido. Ang iba ay dahil alam naman ng lahat na kawatan at magnanakaw. Liyamado ang LP sa ngayon at ito ang panahon kung saan namimili na ang mga pulitko bago ang deadline ng filing of Certificate of Candidacy sa katapusan ng Nobyembre.
Ang masasabi ko na lang sa pagtatapos, ayaw ko sa pulitika noon, ayaw ko pa rin dito ngayon. Iba ang kanilang mundo. Hindi mo mawari kung ano ang totoo sa hindi. Pero sa kagustuhang mabago ang takbo ng pamamahala sa Pilipinas at mapuksa ang pangungurakot at maibalik sa tao ang dapat ay sa kanila, kailangang daanan at pagtiisan ang pamumulitika. The road to good public service is paved with politics. No choice.
Kahit sino pa ang lumipat, ang mahalaga ay ang partidong nilipatan. Wala sa miyembro, nasa Lide-rato nakasalalay ang pagtaguyod ng prinsipyo.
- Latest
- Trending