Una’y ang pagbating ipinaaabot
sa ating bayaning tunay na kilabot –
Sa larangang boksing na kanyang pinasok
tagumpay na naman at muling natampok!
Kalaban ni Pacman kanyang napabagsak
kaya itong bansa ay muling natanyag;
Pambansang Kamao ay hindi nawasak
ng kanyang kalabang malaki’t matikas!
Tinalo ni Manny ay bantog na boxer
at sabing sa laban ito ay karakter;
Nakita ng lahat nito’y nabubulid
at sa huling round ganap na nalupig!
Sa panalong ito ng ating bayani
maraming naluha’t ngayo’y nagsasabi:
“Dakila si Pacquiao at saka kay buti –
lumalaban siyang bansa ang baluti!”
Kaya ang pagbati’y abot hanggang langit
pagka’t sa paglaban ay naisisingit –
Taimtim na dasal sa Poong Mabait
kaya ang tagumpay kanyang nakakamit!
Salamat salamat muling nagtagumpay
ang ating Kamaong malakas matibay;
Di siya palalo’t marangal ang buhay
ang panalo niya ay ating tagumpay!
Sa TV komers’yal kanyang sinasabi –
pagsisikap niya ay para sa lahi;
Kaya tagumpay n’ya’y hindi pansarili
Ito ay pambansa’t tunay ang kalibre!
Sa ngayon ba’y may tao na katulad niya
ang ating watawat lagi niyang dala?
Sa bawa’t paglaban ang tanging adhika
itong ating baya’y lalong dumakila!
Kaya sa historya ng lupa at langit –
pangalan ni Pacquiao lalaging marikit;
Ang kanyang bantayog kaibang titindig –
sapagka’t bayani ng buong daigdig!